Linggo, Agosto 12, 2012

ANG PAGHIHIGANTI


          Nagsigawan ang lahat nang makita na lalo pang lumaki ang apoy sa mga nasusunog na kabahayan. Kasama na rito ang aming tirahan pati na rin ang katawan ng aking mga magulang. Mag-isa na lang ako ngayon. Tatlo lang naman kasi kaming magkakasama - si Tatay, si Nanay at Ako. Ang bawat pamilya ay palahaw na umiiyak habang ako ay mag-isang nagluluksa sa pagkawala ng lahat sa akin. Mag-isa akong nakatayo sa tapat ng nasunog na lugar. Palaisipan sa akin ngayon kung paano ko bubuhayin ang sarili ko. Gulung-gulo ako at hindi maisip kung ano ang dapat kong gawin nang may biglang tumawag na malamlam na tinig sa akin.
"Daniel!"
Tumingin ako sa kanya nang labis ang buong pagtataka. Ngayon ko lamang nakita ang babaeng kaharap ko. Hindi ko siya kilala ngunit alam niya ang pangalan ko.
"Sumama ka na sa akin. Alam kong wala ka ng matutuluyan," malumanay niyang pagpapatuloy. Tiningnan ko siya nang may pag-aalinlangan.
"Kaibigan ako ng Nanay mo. Ako si Danica. Tawagin mo na lamang akong Tita Danica. Nabalitaan ko ang nangyaring ito kaya naman pumunta agad ako para kupkupin ka. Malaki rin naman ang naitulong sa akin ng Nanay mo."
Napangiti ako sa sinabi niya. Naalala ko na marami nga palang kaibigan si Nanay sa ibang lugar kaya naman sumama na ako kay Tita Danica. Bukod sa wala na akong iba pang matutuluyan, pinagkatiwalaan ko agad siya. Habang kami ay nasa daan ay tinanong ko siya.
"Tita Danica, bakit niyo naman po naisipang kupkupin ako?" malumanay kong tanong.
Hindi niya ito sinagot sa halip ay ngumiti lamang siya.
Sumakay kami ng bus hanggang makarating kami sa isang lumang bahay sa Cavite. Inaasahan kong madaratnan ang isang maliwanag at masayang tirahan ngunit kabaligtaran nito ang nakita ko. Madilim at maalikabok na gamit ang sumalubong sa akin. ko. Napansin ko rin na puro agiw ang kisame ng bahay.
"Pasensya ka na kung magulo at marumi. Ako lang kasi mag-isa rito. Paminsan-minsan lang ako nakakapaglinis dahil lagi ako nasa trabaho at madaling araw na ang uwi ko," sabi ni Tita Danica na wari'y nabasa ang impresyon ko.
Makalipas ng isang linggo, ipinaghanda na ako ni Tita para sa pagpasok sa eskuwela. Buti nalang ay mabilis niya akong naipasok sa paaralan, marahil ay kilala siya roon. Unti-unti na ring nagiging malapit ako sa kanya. Kahit tuwing umaga lang kami nagkikita, inaasikaso niya pa rin ako.
Natulog ako nang maaga at kinabukasan ay mag-isa akong pumunta sa paaralan. Habang ako ay nasa daan ay napapaisip ako. Ano kaya ang kalagayan ko ngayon kung hindi namatay ang aking mga magulang? Siguro ay lagi akong ihahatid ni Tatay sa eskuwela at ipaghahanda ako ni Nanay ng paborito kong baon. Kahit makulit ako sa klase at laging napapatawag si Nanay dahil sa gulong nagawa ko, mahal parin nila ako.
Naputol ang aking pagmumuni-muni nang makita kong lahat ng tao ay nakatingin sa direksiyon na pinanggalingan ko. Itinuturo nila ito habang nagkukuwento sa mga kasama nila. Hindi ko na lamang sila pinansin. Binilisan ko ang aking lakad dahil baka mahuli ako sa klase. Dumiretso ako sa silid-aralan at kinausap ko muna ang guro. Sinabi ko sa kanya na ako yung bagong estudyante niya. Pinakilala niya ako sa harap ng aking mga kaklase at pinaupo sa isang bakanteng upuan. Masayang kakwentuhan ang mga bago kong kaklase. Nagkaroon agad ako ng maraming kaibigan. Mabilis kong nalimot ang kalungkutang nadarama ko kanina. Nakipag-usap din ako sa kanila at nagulat sila nang malamang makulit at maingay pala ako. Akala daw kasi nila ay tahimik at mahiyain ako. Unang araw pa lang ng pasok ko ay napagalitan na agad ako ng guro dahil sa pangugulit sa aking mga kaklase at pag-iingay habang nagkaklase.
Pagkatapos ng oras ng klase ay umuwi na agad ako. Habang pauwi ay may nakita akong matatandang nag-uumpukan. Nagtaka ako kung ano ang kanilang pinag-uusapan kaya naman lumapit ako sa kanila ngunit hindi naman nila ako napansin.
"Alam mo ba na may narinig kaming nag-iiyakan dun sa bahay na yun," sabay turo kung saan ito malapit.
"Ay! Oo nga! Noong buhay pa ang lola ko, lagi niyang ikinukwento na tinirhan daw ng mga nagtatagong sundalo na kalaban ng pamahalaan ang bahay na iyan. Kasama din daw ng mga iyon ang pamilya nila. Maraming mga natirang armas diyan at pati na rin ang mga kaluluwa ng sundalo ay nariyan pa ata," bulalas ng isang matanda.
"Oo! Sabi ng nanay ko dati, nung bata pa daw siya ay nasaksihan niyang dakpin ang mga nagtatagong sundalo diyan. Pinatay daw iyon pagkadakip" sagot ng isa sa kanila.
Ang tatanda na, naniniwala pa sa multo. Hahaha! Sabi ko naman sa sarili ko. Nagpatuloy ako sa paglakad hanggang makauwi ako sa bahay. Nakabukas lamang ang bahay, nakalimutan sigurong i-lock ni Tita. Pumasok ako sa loob at nagmasid kung may ibang tao na nakapasok. Nagulat ako ng biglang sumara nang malakas ang pinto. Naalala ko ang pinag-usapan ng mga matatanda kanina. Kinilabutan ako, ngunit hindi ko na lamang ito pinansin. Dumiretso na lang ako sa aking kwarto at binuksan ang ilaw.
Kinabukasan, pumasok ako ulit sa eskuwela.
Ano kaya kung kwentuhan ko ng mga nakakatakot na bagay ang aking mga kaklas?. Paniguradong maniniwala sa akin yung mga yun! Habang iniisip ko ito ay napangiti ako.
Pagpasok ko ng silid aralan, nakipagkwentuhan agad ako sa mga kaklase ko. Gumawa ako ng iba't ibang kwentong nakakatakot. Naniwala naman sila sa akin.
"Alam mo bang sa bahay daw namin dating nagtago ang mga sundalo kalaban ng pamahalaan. Naiwan pa nga raw yung mga kaluluwa eh. Minsan daw, laging may naririnig na umiiyak ang mga kapitbahay naming," sabi ko. Pinagsama-sama ko ang mga kwentong narinig ko sa iba.
"Kahapon, mag-isang sumara yung pinto namin. May nakita akong naglalakad na nakaputi sa may kusina. Habang naglalakad siya, may tumutulong dugo. Tumakbo na lang ako sa kuwarto". Pagpapatuloy ko.
Takot na takot sila sa mga kinuwento ko. Dahil sa pag-iingay ko ay nagalit ang guro namin. Dinala ako sa guidance counselor, pinagalitan ako at pinauwi nang maaga. Tanghali pa lang nang ako'y umuwi. Tahimik sa lansangan kaya naman naglakad na lamang ako.
Hahaha! Naniwala naman itong mga kaklase ko. Eh pinagsama-sama ko lang naman yung mga narinig ko sa iba. Dinagdagan ko lang. Sabi ko sa sarili ko habang tumatawa mag-isa.
Habang ako ay naglalakad, may nakita akong lalaki na nakasuot ng pang-sundalo. Mula sa malayo ay seryoso siyang nakatingin sa akin. Hindi ko na lang pinansin at nagpatuloy ako sa paglalakad. Sa sumunod na kanto ay nakita ko na naming muli ang lalaki, seryoso pa rin siyang nakatingin. Nagpatuloy ako sa paglakad hanggang sa makarating sa sumunod na kanto, naroon na naman ang sundalong lalaki. Sa pagkakataong ito ay dahan-dahan siyang lumalapit sa akin na tila may masamang balak na nakapinta sa kanyang mabalasik na mukha. Naghanap agad ako ng tricycle at sumakay. Labis na takot ang nadama ko nang makita ko siyang nakatayo sa likod ng tricycle na sinakyan ko. Buti na lamang ay mabilis na tumakbo ang tricycle kaya nakauwi agad ako. Pumasok ako sa kuwarto at ni-lock ito sa sobrang takot.
Maya maya ay nawala rin sa isip ko ang nangyari, naghanda na ako ng gamit para sa pagpasok bukas.
"Ano naman kaya ang pwede kong ikwento sa mga kaklase ko bukas? Dapat mas nakakatakot para paniwalaan pa nila ako?" tanong ko sa sarili.
May tinig na bumulong sa akin, nagtaka ako kung sino ito sapagkat ako lang naman mag-isa sa bahay. Sumilip ako sa ibaba pati sa kusina. May nakita akong nakaputi na naglalakad, may dugo ang puti niyang bestida.
"Tita Danica?" sabi ko habang higit na kinikilabutan. Hindi lumingon ang babaeng nakaputi. Wari'y wala siyang narinig at nagpatuloy siya sa paglalakad. Pumasok ako ng kuwarto. Sino kaya yun? Tanging naisip ko.
"Umupo ka na diyan. Malapit na ito maluto," malumanay na sabi ni Tita habang nagluluto ng almusal.
"Tita, alam mo ba yung bahay na pinagtaguan ng mga sundalo dati? Malapit daw dito yun eh" marahan kong tanong.
"Bakit ka ba nagtatanong ng mga ganyang bagay Daniel?! At saan mo narinig yan ha! Sa mga matatanda sa labas?! Wag kang makikinig sa kanila!" pasigaw niyang sagot sa sakin kasabay ng pagpatay niya ng kalan. Padabog niya akong iniwan mag-isa sa kusina at nagkulong sa kuwarto. Aaminin ko, natakot ako sa kanya. Hindi ko inakalang sasagot siya nang ganoon sa akin. Ano kaya ang dahilan? Kumain akong mag-isa at pumasok na ako sa eskuwela.
"Alam mo bang may nakita pa daw na gamit ng sundalo ang mga kapitbahay namin sa likod ng bahay namin? Habang pauwi kahapon ay nakasalubong ko ang sundalo. Nakatingin ito ng masama sa akin. Parang gusto akong patayin. Ngunit sabi ng iba, wala naman daw sundalong nakatira sa lugar na iyon. Baka daw ang sundalong nakita ko ay kaluluwa na lamang," pananakot ko sa mga kaklase ko.
"Tapos may nakita daw silang babae na naglalakad. Nakaputi at puro dugo ang damit. Minsan pa nga ay bigla na lang namamatay ang ilaw sa bahay at may naririnig akong malakas na iyak," pagpapatuloy ko. Takot na takot nanaman ang mga kaklase ko. Ang iba sa kanila ay napaluha sa sobrang takot.
Pagkatapos ng oras ng klase, umuwi na ako.
Nakita kong nakalimutang itapon ni Tita ang basura namin sa kusina. Kinuha ko ang basura at itinapon sa likod ng bahay namin. Nakita ko kasing parang may malaking basurahan doon. Masangsang na amoy ang sumalubong sa akin ng buksan ko ito.
MGA BARIL AT KASUOTAN NG SUNDALO!
NabitIwan ko ang basurang dala ko. Tiningnan ko isa-isa ang mga kagamitang nakita ko. May tuyong dugo pa ang ilang unipormeng pang-sundalo. Ang mabibigat na baril ay may bala at may bahid rin ng dugo. Sobrang takot ang nadama ko. Pumasok ako sa sala at may nakita akong ilang litrato sa lamesa. May nakita akong babae na may kasamang apat na bata. Ang sumunod na litrato naman ay ang bahay na tinitirhan namin ni Tita Danica. Ang huli ay ang babae na nakita ko sa unang litrato, nakaakbay sa kanya ang isang lalaking sundalo na nakita ko noon habang pauwi ako. Napaisip ako, sino ang babaeng nasa litrato? Bakit may ganitong litrato sa bahay ni Tita Danica? Sino yung lalaking sundalo na nakita ko noon habang pauwi na nakita ko rin dito sa litrato.
Gulong gulo na ako. Maraming katanungan ang nasa isip ko. Takot na takot na ako at hindi ko na alam ang gagawin. Napansin ko na ang lahat ng gawa-gawang kuwento na sinabi ko sa mga kaklase ko ay nangyayari sa akin. Nagsisisi ako sa pananakot sa kanila.
Hindi ako nakatulog sa paghihintay kay Tita Danica, marami akong gustong itanong sa kanya. Alas-tres ng madaling araw ay narinig kong may nagbukas ng gripo sa banyo. Bumangon ako sa pagkakahiga sa kama. Inisip ko na baka dumating na si Tita Danica. Sinilip ko ito, nagtaka ako ng makitang walang tao sa ibaba. Nagpatay-sindi ang ilaw at biglang bumukas ang pinto kasabay ng malakas na hangin galing sa labas. Bumuhos ang malakas na ulan. Hindi ako makaalis sa pagkakatayo sa tapat ng banyo. Dahil sa sobrang takot at kilabot na nadarama ko ay hindi ko na maisip kung ano ang dapat gawin. Nakabukas pa rin ang gripo, kanina'y naglalabas ito ng tubig, ngayon ay mapulang dugo ang inilalabas nito. Tumakbo ako sa likod ng bahay, lumabas kahit umuulan. Ngunit naharang ako ng isang lalaki na ngayon ko lamang nakita. Hindi ko na alam ang gagawin. Kinuha niya ako, itinali sa loob ng kuwarto ko. Alas-kuwatro na noon at nakarinig ako ng yapak sa hagdan. Si Tita Danica ito, tinawag ko siya ng malakas. Lumapit siya sa akin na parang hindi nabigla sa pagkakatali ko.
"Daniel, nakakatuwang isipin na mabilis kitang napasama noon. Hindi naman talaga ako kaibigan ng Nanay mo. Wala akong kilala sa kahit sino sa pamilya mo. Naghahanap ako ng taong maaari kong gamitin sa paghihiganti at nagkataong nakita kita. Nag-iisa ka dahil wala ka nang mga magulang. Kinupkop kita, dahil alam kong makakatulong ka sa plano ko."
Nabigla ako ng sobra sa mga narinig ko. Sana'y hindi na lang ako sumama sa kanya. Bakit nga ba hindi ako nag-isip ng mabuti bago sumama sa kanya? Nagtiwala agad ako gayong wala namang ebidensya na magkaibigan sila ni Inay.     
"Marahil ay maraming tanong sa isipan mo ngayon. Nakita mo na siguro ang mga kagamitan sa likod bahay. Nagtataka ka ngayon kung sino ako. Kinupkop kita at medyo matagal din tayong nagkasama kaya naman sa tingin ko ay may karapatan kang malaman ang totoo," pagpapatuloy niya. Habang nagsasalita siya ay unti-unti kong tinatanggal ang kamay ko sa pagkakatali. Mabuti na lamang at malikot ako kaya hindi gaanong naging mahigpit ang pagkakabuhol. Dahan- dahan kong inilabas ang aking mga kamay buhat sa pagkakatali.
"Totoong pinagtaguan ng sundalo ang bahay na ito kasama ang pamilya nila. Maraming taon kaming nagtago rito. Isinama kami ng asawa ko sa bahay na ito dahil hindi na kami ligtas sa dati naming tirahan. Marami na ang nagbabantay doon. Nagtatago kami sa mga taong tumutugis sa amin. Sila ay alagad ng pamahalaan. Kontra ang asawa ko at ang mga kasama niyang sundalo sa pamahalaan. Marami silang gusaling pinasabog para lang makuha ang atensiyon ng pamahalaan. Gusto nilang matapos ang korupsiyon. Ngunit ng malaman ng pamahalaan ang tungkol sa kanila, agad silang ipinahanap at pinagpapapatay. Iilan lamang ang nakaligtas na siyang nakasama namin sa pagtatago. Isang araw ay napadaan dito ang mga nakatira sa katabing bahay. Nagulat sila ng makita ang asawa ko sa bahay na ito; ang alam kasi nila ay walang nakatira rito dahil matagal na itong abandonado. Nalaman ng mga taong ito na kami ang matagal ng pinaghahanap ng pamahalaan. Nagsumbong sila sa kinauukulan, dinakip kami ng mga ito at pinatay. Nagtataka ka marahil kung bakit ako narito sa harapan mo at nakakapagsalita gayong matagal na kaming pinatay. Simple lamang, gumamit ako ng patay na katawan ng taong hindi kilala rito at sumanib ako dito. Ang lalaking nagtali sa iyo riyan ay ang asawa ko. Gumamit lang din siya ng ibang katawan. At gagamitin din kita sa panlilinlang ng mga batang nakatira rito. Maghihiganti ako sa mga taong nakatira rito. Pamilya nila ang dahilan kung bakit kami namatay. Pagsisisihan nila ang ginawa nilang pagsumbong kung nasaan kami nagtatago noon." tumigil na sa pagkukwento si Tita.
Ah, hindi ko na siya maaaring tawagin na tita o kahit Danica dahil hindi ko talaga alam kung sino siya! Alagad siya ng demonyo!
Nang mga oras na iyon na malaya na sa pagkakatali ang kamay ko. Tumalikod na siya at naglakad palabas ng kuwarto at alam kong pagkakataon ko na ito para makatakas. Wala akong ibang naisip na paraan kundi lumusot sa bintana. Mabilis akong tumalon sa mula sa bintana, nalaglag ako sa bakuran at tumakbo sa kabilang bahay. Kinatok ko ang mga tao at nanghingi ako ng tulong. Lahat sila ay hiningian ko ng tulong.
Ayaw nilang maniwala sa akin. Nanloloko lang daw ako.
“Tumawag kayo ng pari!”
Napatingin ako sa nagsalita. Isa siya sa mga matatanda na nagkukuwento noong isang araw. “Tama ang pakiramdam ko na may masamang elemento sa bahay na iyan. Bilisan ninyo,” utos niya.
Nagmadali kami sa pagsundo sa pari mula sa simbahan. Mahirap mang magpaliwanag ay sumama naman siya agad sa amin. Habang nasa daan ay nagdarasal ako na hindi bumalik agad si Tita dahil malalaman niyang nakatakas ako. Nagsama kami ng ilang kalalakihan sa baryo.
Palihim kaming pumasok sa bahay. Si Tita at ang asawa niya ay abalang naghahanap akin. Hindi na naming hinayaan nakaporma pa ang dalawa. Hinawakan ng mga lalaki si Tita at ang sundalong asawa niya. Nagsisigaw siya at nagmumura. Bumubula ang bibig at tumitirik ang mga mata. Malakas kapwa ang dalawa at hirap na hirap silang pigilin ng mga lalaki.
Nagsimula ng magbasa ng dasal ang pari. Nagsisisigaw muli si Tita at ang asawa niya. May mga boses na lumabas mula sa bibig nila na parang galing sa isang malalim na balon. Nangisay at nanginig ang buo nilang katawan. Hanggang sa unti-unti silang nanghina at nahimatay. Natapos na ang pagpapaalis ng kaluluwa, sinundan agad ito ng dasal para sa kahimikan nila.
Hindi makapaniwala ang mga tao sa nangyari. Kahit ako ay nahirapang tanggapin ang naging karanasan ko sa bahay na iyon. Dinala muna ako ng mga tao sa bahay-ampunan. Doon ay inaasahan nilang matutulungan akong matanggal ang trauma na nakuha ko mula sa nangyari. Ngunit isang tanong ang hindi maalis sa isip ko, “tuluyan na kaya silang natahimik?”

1 komento: