Miyerkules, Agosto 22, 2012

Ang Pagtakas



"Nasaan ako ? Bakit ang dilim?" tanong ko sa aking sarili nang mamulatan ko ang kadiliman. Unti-unting nasanay ang mata ko. Isang maliit at mabahong lugar ang bumulaga sa akin. May malalaking wooden boxes na nakapatong sa isa't isa ang nakapalibot sa akin. Bigla akong nakadama ng claustrophobia. Lumingon ako upang makita ang nasa likod ko pero nakaramdam ako ng matinding sakit sa noo ko. Kaga't labi akong hindi gumalaw, hinihintay na gumaan ang sakit. Nang medyo gumaan ang pakiramdam ko, sinubukan ko itong damhin pero merong mahigpit na kadenangg nakapulupot sa braso at hita ko. Nakagapos ako! Bakit? Bakit ako-
Biglang naliwanagan ang isipan ko. Ang mga pangyayari ay parang isang alon na rumaragasa sa akin. Hindi ko na pigilan ang pagbagsak  ng mga luha.
Bakit hindi ako nakinig? Bakit?
Pahikbi kong inalala ang mga pangyayari.
"Hindi pwede Faye!" sigaw ni Mama sa akin nang nagpumilit akong sumama sa birthday party ni Rachel, best friend ko. Gaganapin ito sa isang bar sa Ortigas.
"Bakit n’yo po ba ako sinasakal mama! Malaki na ako!"
"Hanggang nakatira ka pa rin sa pamamahay ko, ako pa rin ang masusunod at hindi ikaw!"
Padabog akong umakyat sa kwarto ko at ini-lock ang pinto. Umiiyak ako maghapon. Nang kinagabihan ay tumawag sa akin si Rachel.
"Hello?! tanong ko.
"Oh Faye! Asan ka na ? Hinihintay ka na namin dito!"
Huminga ako ng malalim at ngumiti," On the way na ako"
"Ok, sige. Dalian mo lang ah."
"Oo, Bye na!"
Kinuha ko ang nakahanda kong damit at sapatos; pinusod ko ang na kulot kong buhok at binuksan ko ang bintana. Hawak hawak ang 5-inches na stilleto sa isang kamay, dahan-dahan akong bumaba at tumakbo patungo sa gate. Maingat ko itong binuksan at isinara. Success!
Sa party ni Rachel ay nagpakasaya ako. Uminom, sumayaw at nakipag-mingle sa mga bisita. Hindi ko namalayan, ala-una na pala ng umaga.
Naku! Kailangan ko nang umalis.
 Nagpaalam na ako kay Rachel at lumabas. Malamig ang simoy ng hangin. Walang kahit anong sasakyan sa paligid kaya nagdesisyon akong lumakad na lang. Upang hindi mamukhaan ay dumaan ako sa madilim na kalye, isang desisyon na pinagsisisihan kong ginawa. Noong una tahimik at payapa ang lahat. Ngunit ang malakas na pagbagsak ng lata ang humiwa sa katahimikan. Mabilis akong lumingon. Nagpatuloy ako sa paglalakad, Naramdaman ko na parang may nakatingin sa akin. Unti-unting gumapang ang takot sa aking puso. Nagsimula akong maglakad nang mabilis hanggang sa hindi ko namalayang tumatakbo na ako. Nakarinig ako ng mga mabibigat na yabag sa likuran ko.
“Takbo ! Takbo pa!” sigaw ng utak kong nagwawala na sa takot. Ngunit hindi ko alam kung sa panic ba o sa kalasingan ay hindi ko nakita ang nakausling bato sa daan. Nadapa ako at tumama marahil ang ulo ko sa semento kung kaya’t may sugat ako sa noo. Naaninag ko na lang ang dalawang aninong pumalibot sa akin. Doon na tuluyang nawala ang aking ulirat. Ngayon ay nandito ako sa isang parang maliit na warehouse.
Nagsisisi ako, nangungulila. Gusto kong maramdaman ang mahigpit na yakap ni Mama, ang mainit niyang halik, Ngunit hindi na maaari. Patuloy sa pagtulo ang mga luha ko.
Biglang bumukas ang malaking pinto sa harapan ko. Saglit na binulag ang paningin ko ng ilaw. Sumara naman ito agad. Dalawang matangkad at nakatatakot na lalaki ang pumasok kaya napilitan akong magtulug-tulugan.
“Pare, mukhang nakabingo tayo dito ah!
“Oo nga eh. Akalain mo nga namang makuha natin ang anak ni Mrs. Marzan, may-ari at CEO ng pinakamalaking minahan ng ginto sa buong Pilipinas! Para tayong nanalo sa Lotto! sagot naman ng isang lalaki.
Bumagsak ang puso ko sa pagbanggit ng pangalan ni Mama.
 Kamusta na kaya siya? Nag-aalala ba siya sa akin? Pinigil ko ang aking pag-iyak. ‘Wag muna Faye, wag muna.
Lumapit ang dalawa sa akin at naramdaman ko ang pawis at malagkit na kamay ng isa sa mga masamang lalaki sa hita ko. Mariin kong kinagat ang labi ko para hindi mapasigaw.
“Hoy pare, anong ginagawa mo riyan!” sabay hablot sa kamay ng kasamahan niya. “Kidnapper tayo ! Hindi RAPIST!” 
“Pero pare, Hindi mo naman ako masisisi. Tingnan mo naman siya mukhang masarap!”
”Manyakis ka talaga!” tugon ng isa.
Umalis ang  mga lalaki pagkatapos,  nagtatawanan.
Nakadama ako ng matinding takot. Ano ang gagawin nila sa akin pagkatapos ibigay ni Mama ang ransom money?
Nahagip ng mata ko ang isang maliit na pako sa may harapan ko. Inurong ko ang upuan ko paharap. Umuga ito at bumagsak ako paharap. Hinintay kong mawala ang pagkahilo ko at nagpatuloy sa pagkuha ng pako, na ngayo’y nasa likod ko na.
Naramdaman ko ang maliit na bakal sa kamay ko. Ngumiti ako, pero saglit lang ay dali-dali kong pinasok yung pako sa lock ng kadena. Kumalas!
Dahan-dahan kong tinangal ang mga kadena, para hindi mag-ingay. Itinayo ko ang aking sarili at tinanggal ang mga kadena sa paa ko. Sa wakas!
Mabilis  akong nagtago sa likod ng mga kahon, sinigurong walang nakarinig sa akin. Tahimik akong nakinig ng ilang minuto.  Tumingin ako sa harap. Isang mataas na chained fence ang naroon at, hindi ko alam kung himala o swerte dahil nakabukas ito. Sa sobrang tuwa sa posibilidad na makatakas ay nagtatatakbo ako papunta sa gate.
Ngunit may putok ng baril ang sumira sa nakakabinging katahimikan.
 “Hoy boy ! Nakatakas na yung ticket meal natin.” narinig kong sabi ng isa. Nakadama ako ng matinding sakit sa may balikat ko pero hindi ko iyon ininda. Dinalian ko ang pagtakbo.
Malapit na! Malapit ko ng mahawakan ang fence!
May nagpaputok na naman at natamaan ang binti ko. Bumagsak ako sa lupa. “Hindi pwede to!” ang malakas namang pagsusumamo ko.
Sinubukan kong gumapang. Malapit na!
Dahan-dahang bumigay ang katawan ko sa pinagsasamang takot, adrenalin at sakit. Mariin kong dinama ang nananakit na balikat.May dugo!
Biglang umikot ang aking paningin. Nagdilim ang paligid. Para akong lumulutang. Nawala ang mga sakit at takot. Ngumiti ako …
Hmmm , Ang init! Dahan-dahan akong pumikit, sumuko sa sigaw ng puso’t isipan ko.
Magpahinga ka na…. Wala nang makasasakit sa iyo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento