Linggo, Agosto 12, 2012

Bagong lipat lamang sina Kevin at ang kanyang kapatid na si Kim kasama ang kanilang ina na si Karen sa isang bahay sa Maynila na matagal ng naabandona. Ang bahay na ito ay pinag-uusapan ng mga kapitbahay dahil sa mga kababalaghan na naganap dito kaya tinagurian nila itong Haunted house. Ang Haunted house na ito ay matagal ng naitayo. Ayon sa mga tao sa lugar na ito,   halos lima na ang tumira dito ngunit walang tumagal. Kahit maraming naririnig ang mag-iina tungkol sa bahay na ito, ay binili pa rin nilang mamurahan.
Si Kevin ay isang makulit na mag-aaral sapagkat yumao na ang kanyang ama na dapat gumagabay sa kanya at nagsisilbing modelo. Sa unang linggo pa lamang ng klase ay nakuha na niya ang mga atensyon ng kanyang mga kaklase at guro dahil sa kanyang kakulitan partikular na dito ang mga pananakot niya sa kanyang mga kaklase. Bukod pa nito, isa rin sa nakakuha ng kanyang atensyon ay ang kanyang guro sa pagiging magaling gumawa ng kwento.
“Uy guys, may ikwekwento ako sa inyong bago. Alam niyo ba na lagi akong nananaginip ng kakaiba at ang dami kong nakikita na kababalaghan sa bahay?.” Seryosong pagkwekwento niya.
“Oh! talaga! Bakit? Anu-ano bang napapanaginipan mo at nakikita mong kababalaghan?” tanong ng kanyang kaklase na interesado sa sinabi ni Kevin.
“Oo! kagabi nga ay napanaginipan ko, humihingi ng tulong yung babae, tapos duguan pa….” ang sabi ni Kevin. Tuloy- tuloy siyang nagkwento at madali namang naniwala ang kanyang mga kaklase.
Isang hapon, habang gumagawa siya ng takdang aralin, naisipan niyang gumawa ng kwento na nakakakilabot patungkol sa kanilang bahay.
“Hehehe, mapapaniwala ko nanaman ang mga utu- uto kong kaklase na madaling maniwala sa kwento.”
 Kinabukasan, pagpasok niya ay kwinento niya ito sa kanyang mga kaklase at madali niya namang napaniwala ang mga ito. Ang ginawa niyang kwento ay tungkol sa bahay nila na madalas ang pamilya niya na nakakakita ng dumadaan na anino ngunit wala namang talagang dumaan doon. Madalas din daw silang nananaginip ng kung anu-ano na para bang totoo ang mga pangyayari tulad na lamang na naaksidente ang kanyang pamilya o di kaya ay nabubuhay pa ang kanyang ama. Matapos ikwento ay tuwang-tuwa si Kevin na uuwi ng bahay ngunit wala siyang nadatnan sapagkat ang kanyang ina na si Karen ay nasa trabaho at nasa paaralan naman si Kim.
Muling masayang gumawa ng nakakakilabot na kwento si Kevin upang ikwento ulit ito sa mga kaklase. Bigla siyang nakarinig ng malakas na katok mula sa pintuan, at agad naman niya itong binuksan. Masaya niyang sinalubong ang kanyang ina na si Karen at si Kim kasama ang kanyang itay na si Andrew.
“Ma, Pa, Kim, kanina ko pa kayo inaantay , buti po nakauwi na kayo” Ang sabi ni Kevin na may ngiti sa kanyang labi. Agad umakyat ang tatlo upang magbihis, at naisipan naman ni Kevin na maghanda ng makakain habang nanonood ng balita sa telebisyon.
Panandaliang Balita lamang. kapapasok lamang ng balita na ito. Apat ang patay matapos maaksidente ang pamilya dahil nabangga ang kanilang minamaneho sa Malaking truck. Nakilala ang mga naaksidente na sina Andrew Garcia, Karen Garcia, Kim Garcia at Kevin Garcia na duguan……..
Nanlamig at pawis na pawis si Kevin at matinding pangingilabot ang kanyang nadama ng mabalita na naaksidente ang pamilya niya at kasama siya sa aksidente. Dali-dali niyang pinatay ang T.V. dahil sa takot. Bigla na naman niyang narinig ang katok mula sa pintuan. Takot na takot niyang binuksan ito at nakita niya duguan ang kanyang ina, kapatid at ama. Agad niyang sinarado ang pinto, ngunit pagtalikod niya ay biglang dumilim ang paligid. May naririnig siyang “TULONG! TULONG!” na boses ng kanyang pamilya. Muling may kumatok sa pintuan at biglang nagising si Kevin na halos naligo sa pawis at may matinding kaba sa dibdib.
Habang kumakain ng almusal ang mag-iina ay napansin ni Karen na tulala si Kevin at hindi halos nagalaw ang kanyang pagkain.
“ Kevin, anak, bakit hindi mo ginagalaw ang pagkain mo? May problema ka ba? Huh?” tanong ng kanyang ina.  
Umiling lamang si Kevin. Sa paaralan naman ay kapansin pansin na tahimik siya sa klase sapagkat iniisip ni Kevin ang kanyang panaginip.
“Kevin! Himala, tahimik ka,” pagtataka ng isa niyang kaklase.
“Oo nga, hindi ka na rin nagkwekwento, minsan nga mas gusto pa naming makinig sa ‘yo,” hirit ng isa pa niyang kaklase.
“Wala, may iniisip lang ako,” ang sabi lamang ni Kevin.
Paulit-ulit na nanaginip si Kevin ng parehas na pangyayari kung kaya’t nagiging mababa ang mga grado niya at napansin naman ito ng kanyang ina. Kaya isang gabi habang nakadungaw sa bintana si Kevin, ang kanyang ina ay biglang lumapit sa kanya at nagtanong ng may pag-aalala na.
 “Anak bakit tila yata may problema ka?” tanong ng ina .
“Ina’y sa totoo lang po meron pong bumabagabag sa isipan ko ngayon eh,” sagot ni Kevin.
Itinanong na ng kanyang ina kung anung bagay ang gumugulo sa kanyang isipan at sinabi na ni Kevin ang totoong  nararamdaman niya. Sinabi niya sa kanyang ina na gumawa siya ng mga kwento na nakakatakot na hindi niya akalain na pwedeng mangyari sa totoong  buhay. Nang ikwento niya ito sa kanyang ina imbis na matakot siya sa ikinukwento sa kanya ng kanyang anak, siya ay nagbigay na lang ng payo ukol dito.
“Anak, di masamang gumawa ng kwento ngunit isipin mo muna kung ito ba ay makakabuti o makakasama sa ating paligid? Sapagkat may mga pangyayari sa ating buhay na ang kwento ay nagkakatotoo katulad ng sa ginawang mong kwento hindi mo ba lubusang maisip na ang mga ganyan pagkwekwento ng nakakatakot ay minsan kathang isip lamang natin na nabubuo lang ng ating isipan at kung minsan naman ay nagiging makatotohanan,” payo ng ina kay Kevin.
Saglit siyang pumunta sa kanyang kwarto at kinuha ang kanyang mga nagawang nakakatakot na kwento at pagkatapos ay pumunta siya sa bakuran saka pinagsusunog ang mga kwento niyang nakakatakot. Pagkatapos niyang sunugin sa bakuran ang mga kwento niyang nakakatakot, pumunta ulit siya sa kanyang ina.
“Tama ka Inay, dapat ko nang kalimutan ang mga nakakatakot kong kwento sapagkat ito ay nakakasama sa ating paligid lalo na sa mga taong importante sa atin.”
Nang bigkasin iyon ni Kevin sa kanyang ina ay niyakap siya nito nang mahigpit dahil sa nagalak siya na malaman na natuto na din si Kevin sa kanyang maling nagawa.
Mula noon, si Kevin ay tumigil na sa paggawa ng mga kwentong nakakatakot at nawala na din ang kanyang pangamba at takot sa sarili. Hanggat sa kanyang paglaki, ibinaon niya sa kanyang isipan ang mga payo sa kanya ng kanyang ina. Si Kevin nang mula nang tinigilan na niya ang paggawa ng kwentong nakakatakot, siya ay nakakatulog na ng mahimbing sa gabi at hindi lang yan, si Kevin at ang kanyang pamilya ay namuhay na ng masagana.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento