Linggo, Agosto 12, 2012

Ang Mahiwagang Banga


Isang araw, hihingal-hingal pang tumatakbo patungo sa isang silid ang dalagang si Jana. Nasa ospital ang kanyang lola. Kritikal na ito at nagbiling bago siya mamamatay ay kinakailangang makausap niya nang masinsinan ang dalaga.
“Apo, may nais akong ipamana sa iyo. Ang isang mahalagang banga,” sabi nito kay Jana.
“Banga?” naguguluhang tanong nito sa matanda.
 “Ang bangang ito ay hindi pangkaraniwan, marami kang matututunan dito. Itago mo ‘yung nag-iisang banga sa aking kwarto,” hirap na pagpapatuloy ng matanda. “ Malalaman mo ang importansya nito sa takdang panahon.”
Matapos mabigkas ng kanyang lola ang mga salitang iyon ay tahimik na itong pumikit at pumanaw na ito.
Matapos ang pagluluksa ay pinuntahan ni Jana ang bahay ng kanyang lola at kinuha ang bangang ipinagbilin nito. Dinala niya sa kanyang condo ang banga.
“Ano kayang ibig sabihin ni lola na importante? Eh, parang pangkaraniwan lang ito ah!” sabi niya sa sarili. Ipinagwalang-bahala na lamang ito ni Jana at natulog na pagkatapos.
 “Tulong… Tulong Jana.”
Bigla siyang naalimpungatan. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang bulong na narinig. Hindi niya malaman subalit waring hinihila siya ng tinig patungo sa banga. Dahan-dahan siyang lumapit ditto
 “Ahh!..”
May biglang humila sa kanya sa loob ng banga. Nagising na lamang siya sa isang lugar na hindi kilala sa kanya. Nagtaka si Jana sa mga nakita niya.
“Totoo nga si Lola! Hindi ito pangkaraniwan! Ito ay bahay ng engkanto!” sabi niya sa sarili. Habang siya ay naglilibot nagulat siya ng may makitang nakakulong sa hawla at agad niya itong nilapitan upang tulungan.
“Wag kang lumapit! Magtago ka!” pabulong na senyas ng binata kay Jana.
Nagulat si Jana nang makita ang mga engkanto. Mga kulay berde ang balat at nanlilisik ang mga mata. Agad siyang nagtago sa likod ng mayayabong na halamanan. Nang makaraan na ang mga engkanto ay tahimik na nilapitan na niya ang bihag na nagngangalang Ferdie.
“Ginoo. Bakit ka nakakulong? Ano ang nangyari sa iyo?” pag-aalalang tanong ni Jana sa binata.
“Basta, mahabang kuwento, pero kailangan ko ang tulong mo,” marahang sabi nito.
“Kailangan mong puntahan ang ermitanyong si Miguel, para malaman mo ang makakatalo sa mga engkanto. Masyado silang malakas kaya bilisan mo na at hanapin mo si mang Miguel.”
“Pero…” nag-aatubiling wika ng dalaga.
“Wala ng pero pero, parang awa mo na, tulungan mo na ako, umalis ka na at baka maabutan ka pa nila!”
Kaagad na umalis na si Jana para hanapin ang ermitanyo. Habang naglalakad si Jana, tila naliligaw na siya sa dinadaanan niya, puro puno sa paligid.
Napansin niya ang isang batang babae. Nilapitan niya ito.
“Ayos ka lang ba iha?” tanong nito sa bata.
“Ah, nagugutom na po kasi ako, hindi ko na po kaya!”
“Ano ang pangalan mo?” tanong niya sa bata.
 Ako nga po pala si Marivic.”
Nakadama ng awa si Jana at nagulat siya ng may madukot siyang tinapay sa kanyang bulsa. Iniabot niya ito sa bata.
Agad-agad itong kinain ng gutum na gutom na bata. Nagpasalamat ito at kinain na ang pagkain at nagpakilala si Jana.
“Ate, sino po ang inyong hinahanap?”
Ikinuwento na ni Jana ang lahat noong binigay sa kanya ang banga. Inalok siya ng batang sasamahan sa kanyang paghahanap.
“Ermitanyong Miguel po ba ang pangalan?” paguusisa ng bata.
“Oo” gulat na sabi ni Jana.
“Ate Jana, kilala ko po siya. Siya po ang tatay-tatayan ko. Sasamahan kita papunta sa amin. Tara na!”
Noong nakarating na sila sa bahay ng ermitanyo. Ikinuwento ni Jana ang sa lahat sa ermitanyo.
“Ganun ba hija, kinakailangan mong masugpo ang mga engkanto. Hindi madaling makalaban ang mga yun. Kaya magagamit mo itong Asin, Bawang at Mushroom. At sasamahan ka na namin!”
Agad silang pumunta sa hawla kung saan naroon ang binata. Ngayon, si Jana ay malakas na ang loob dahil alam niyang kaya niya na kalabanin ang mga engkanto. Nang makarating na sila.
“Mga engkanto! Pakawalan mo na ang binata!” sabi niya. At sila ay naglaban. Ginamit ni Jana ang mga ibinigay sa kanyang bagay ng ermitanyo. Matapos masugpo ang mga engkanto agad niyang pinakawalan ang binata.
  “Maraming salamat sa iyo, Jana.” Nagulat ito kung bakit alam ng binata ang pangalan niya. Namula ito.
“Paano mo nalaman ang pangalan ko?” tanong nito. “Ako nga pala si Ferdie, ang iyong…”
“Jana, gising!” sigaw ng kanyang ina.
“Ano ka bang bata ka. Bakit dito ka natulog sa tabi ng banga?” Dagdag pa nito.
Doon nalang napagtantuan ni Jana na ang lahat ng nangyaring iyon ay isa lamang “PANAGINIP!”

Clarissa Guanizo,  Krysthin Paragoso, Jana Borja, Ferdie Allam, Ma. Victoria Penos, Airashii TagaƱa, Miguel Dela Cruz

Isinaayos ni: G. Jose Ranie Ili

POST SCRIPT: (Alternatibong Wakas) Tatawa-tawang bumangon si Jana at hindi makapaniwalang panaginip lamang ang lahat. Dinampot niya ang banga para ibalik iyon sa dating lalagyan. Biglang mula rito ay nalaglag ang isang pirasong bawang at ilang mushroom …


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento