Huwebes, Agosto 2, 2012

Ang Sumpa

            “Hoy, tara na dali,” sabi sa akin ni Shaira habang  hinihila niya ako papalabas ng bahay para pumunta sa garage sale sa tapat na bahay namin. Ay naku naman sinabi ko na sa kanya na ayoko pumunta doon pero mapilit siya!
            “Ayoko! Ano ba, Shaira!” Pinilit kong bawiin sa kanya ang kamay ko pero nahila pa rin niya ako.
            “Ano ba naman Mel! Titingin lang tayo doon. Bakit ba ayaw mo?”
            “Nakakatakot kaya yung nagtitinda doon! Mangkukulam daw yun!”
            “Mukha naman siyang mabait ah?”
            “Mukha lang, pero nakakatakot talaga!”
            Wala na akong nagawa kung ‘di sumama sa kanya. Tumaas ang mga balahibo ko nang makita ko ang mga paninda si Lola Veronica. Karamihan sa mga ito ay puro antigo, mga imahe ng mga anito at mga bagay na ngayon ko lamang nakita. Habang tinitingnan ko ang mga paninda, nagulat na lamang ako nang biglang may kamay na tumapik sa aking balikat.
            “Ay!” sigaw ko at bigla akong tumalikod upang tingnan kung sino ang tumapik sa akin.
Si Lola Veronica!
            “May bibilhin ka ba, iha?” tanong niya sa akin sabay ngiti.
Hindi ko alam kung bakit pero biglang bumilis ang tibok ng puso ko, kinakabahan ako. “Ah.. eh.. wala po!” sabi ko at bigla akong pumunta sa kinaroroonan ni Shaira.
            “Tara na, umalis na tayo rito,” bulong ko sa kanya.
            “Sandali, may gusto akong bilhin,” sabi niya sa akin.
            “May pera ka ba?”
            “Oo naman. Ako pa!”
            Bigla naman naming napansin ang isang banga. Maganda ang pagkakagawa sa banga at kahit alam naming na luma na iyon, halata naming na inaalagaan ang bangang iyun.
            “Ay! Gusto ko yung banga! Lola Veronica, magkano po ito?” sabi ni Shaira.
            “Hindi ko iyan ‘binebenta mga iha,” sagot ng matanda.
            “Kahit magkano po bibilhin ko,” pilit ni Shaira.
            “Gusto mo ba talagang bilhin iyan?” tanong naman ng matanda.
            “Opo!”
            “Paano kung sabihin kong may sumpa ang bangang iyan?” seryosong sabi ng matanda.
            “Ano hong sumpa?” naguguluhan kong tanong
            “Lahat ng taong nais kunin ang bangang iyan ay madidisgrasya,” paliwanag ni Lola Veronica.
            Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya. Bakit niya pa inilabas  ang bangang iyon kung hindi naman niya ibebenta at mayroon pang sumpa? “Tara na Shaira, umalis na tayo” sabi ko at hinila ang kanyang kamay pero pinigilan niya ito.
            “Ayoko, bibilhin ko ‘to.”
            “Eh, papaano ‘yung su—.“
            “Hindi eepekto ang sumpa kung kusang ipagkakaloob ito ng may-ari,” sabi ng matanda
            “Kusang-loob pa ninyong ipinagbibili ito?” pabirong tanong ni Shaira.
            “Mapilit ka talaga? P 5, 000!” alok ng matanda
            “Sige po!” mabilis na payag ni Shaira
            Parang nagulat si Lola Veronica dahil sa hindi niya akalaing seryoso si Shaira sa banga. Ibinigay ni Lola Veronica ang banga kay Shaira at inabot naman niya ang kanyang bayad.
            “Salamat po,” pasasalamat ni Shaira ng kanyang ng matanggap ang banga at agad na kaming umuwi.
            Hinabol na lamang kami ng tanaw ni Lola Veronica na tila nababagabag.
            “Saan mo naman ilalagay ‘yang banga na ‘yan? Wala nang mapaglalagyan dito sa bahay, “ sabi ko.
            “Mayron yan, ako ang bahala, gagawa ako ng paraan.” sabi niya.
            Inilagay niya ang banga sa sala kung saan ito agad ang unang makikita ng tao kapag papasok sa aming bahay.
            “Bakit mo yan nilagay dyan? Paano kung makita ‘yan tapos kunin sa’yo. Baka magkatotoo ang sumpa,” sabi ko.
            “Ano ka ba naman Melissa, nasa modernong panahon na tayo, kaya hindi na totoo ‘yang sumpa sumpa na ‘yan. Matatanda na lang ang naniniwala dyan. Doon, kay Lola Veronica lang uso ‘yun”
            “Maganda na rin naman yung nag-iingat.” sabi ko
            “Ay naku, sinabi ko naman sayo, hindi nga totoo ‘yun,”  sabi niya sabay alis at pumunta sa kusina. “Magluluto lang ako ng hapunan natin ha? Baka dumating na kasi sina Tita,” narinig kong sabi niya habang siya ay nasa kusina na. Hindi ko pa rin maialis ang paghanga ko sa banga, pero kasabay ng paghangang ‘yun ay takot, hindi ko alam kung bakit, maaaring dahil sa sumpa na sinsabi ni Lola Veronica, pero maaaring hindi rin iyun totoo, gaya ng sinabi ni Shaira.
            Natapos ang aming hapunan na ang iniisip ko lamang ay ang tungkol sa banga. Labis ang paghanga ko sa bangang iyun, ngunit kung iisipin katulad din lamang siya ng ibang binebentang banag sa iba pang antique store .
            “Melissa, hindi ka pa ba matutulog?” tanong sa akin ni Shaira.
            “Hindi pa naman. Bakit?” balik tanong ko sa kanya.
            “Mauuna na akong matulog sa’yo ha? Inaantok na kasi ako,” paalam niya.
            Ako na lamang ang naiwang nag-iisa sa sala; lahat nang tao sa bahay ay pawang tulog na.
 Muling nahagip ng aking mga mata ang banga, ngunit mabilis ko rin iniwasan.. Makalipas pa ang mga ilang sandali, pumasok na rin ako sa aming silid ni Shaira. Ngunit hindi ako pinatulog sa kaiisip sa bangang iyon. Baka totoo nga ang sinassabi ni Lola Veronica! Pero kung totoo nga, wala naman sigurong magbabalak kumuha ng bangang iyon, hindi naman ganun ka-espesyal ang bangang iyon. Nakatulugan ko ang pag-iisip na iyon
            “Anong ginagawa ko rito sa gubat? Wala namang gubat malapit sa amin. Ano kaya tong lugar na’to.”  
Naglakad ako hangga’t makarating ako sa isang tila palasyong napakaganda.
“Ngunit nasaan na nga ba ‘ko?”
Patuloy akong naglakad hangga’t sa nakakita ako ng maaaring pasukan sa palasyo.
            “Nakakapagtaka naman, wala bang tao sa palasyong ‘to?” bulong ko sa aking sarili. Nagpatuloy lamang ako sa paglalakad hanggang sa marating ko yata ang tila kusina ng palasyo kung saan may  mga tao na. Pinili kong huwag magpakita sa kanila. Patuloy kong nilibot ang palasyo, bumaba ako sa napakahaba at paikot na hagdan na hindi alam kung hanggang saan hahanggan. Narating ko ang isang silid na may malaking pinto.
            “Sino ka?!” tanong ng isang matapang na boses.
Nabigla ako at  hindi ko malaman ang aking gagawin. Agad akong tumakbo pabalik  ng hadgan. Kasunod ko siyang humahabol. Hindi ako tumigil sa pagtakbo. Tumitindi na ang takot na nararamdaman ko.
            “Mel! Mel! Mel! Gising nananaginip ka!”
Nagising akong basang-basa ng pawis. Ang panaginip ko, nakakatakot! Mabuti na lamang at panaginip lang.
            “Yung panaginip ko nakakatakot, akala ko totoo!”
“Ano bang napanaginipan mo?” nagtatakang tanong niya.
Ikinuwento ko naman ang mga pangyayari sa panaginip ko. Nanlalaki ang kanyang mga mata nang sabihing ganoon din ang nagging panaginip niya. Magkaiba nga lamang ng lugar sa loob ng palasyo.
“Ano kayang ibig sabihin na panginip na ‘yun?” nakakunut-noong tanong niya sa akin.
“Hindi ko rin alam, maaaring may ipinapahiwatig ito.”  Iyon lamang ang nasambit ko.
Makailang –ulit na bumalik ang aming mga panaginip. Lahat ng iyon ay natatapos sa isang habulan. Hindi nawala sa isip ko kung ano ang mensahe sa likod ng mga panaginip na iyon hanggang sa maaalala ko ang tungkol sa banga. Ito na kaya ang sumpa?
“Anak, pupunta nga pala dito ang Ninang Emerald mo kasama ang anak niya. Gusto ka daw niyang bisitahin. Ang tagal na rin simula nang huli kayong magkita, sabik na sabik iyun na makita ka,” nakangiting sabi ni Mama habang hinahalo ang niluluto niyang ulam.
“Oo nga po, ‘di po ba’y may anak na ang Ninang?”
“Oo, ka-edad mo ‘yun. Lalaki, Noah nga yata ang pangalan,” sabi ni Mama habang hinahanda na ang pananghalian “O, anak kapag nakita mo ang Ninang mo, salubungin mo kagad ha? Siguradong matutuwa yun.”
“Opo.”
“Tao po? Tao po?”
Nang marinig ko may kumakatok ay agad akong pumunta sa aming gate. Naroon nga si  Ninang Emerald kasama ang kinakapatid ko.
“Naku! Melissa? Ikaw na ba yan? Ang laki-laki mo na? Lalo gumanda ang inaanak ko.”
“Ahh opo.Nandun na po si Mama sa loob. Pasok na po tayo.”
Sabik na binate ni Mama si Ninang. Mahigpit niya itong niyakap at pinupog ng halik.
“Heto na ba ang anak mo? Ang laki na ah? Ang gandang lalaki din pala e.”
“Oo, ganun din yung inaanak ko, Mare, lumaking maganda!”
“Ay naku, sinabi mo pa! Halika na sa loob, nagluto ako ng masarap na ulam, siguradong magugusutuhan niyo”
Pumunta na kami sa hapag-kainan. Hindi ko masyadong nakausap si Noah. Nahihiya kasi ako sa kanya kahit malapit kami sa isa’t isa noong kami ay mga bata pa. Madalas siyang dinadala ni ninang para may makalaro ako. Iba na ngayon, malalaki na kami at matagal na rin na hindi nagkakausap. Natapos ang tanghalian na puro kwentuhan lamang nina Mama at Ninang ang naririnig naming. Paminsan-minsa’y napupunta samin ni Noah ang usapan, ngunit di rin naman nagtatagal.
Hi Mel” bati ni Noah sa akin.
Sumunod pala siya sa may hardin. naupo siya sa katabi kong upuan. Isang ngiti lamang ang isinagot ko sakanya.
“Kumusta ka na nga pala? Ang tagal na nating hindi nagkikita, Grade 6 pa yata nung huli tayong magkita,”  sabi niya.
“Mabuti naman ako. Ikaw, kumusta ka na?” balik-tanong ko sa kanya.
“Mabuti naman din.”
“Mel? Mel? Mel? Asan ka?”
“Nandito ako sa may hardin, Shaira!”
“Me—Teka? Sino siya?” tanong ni Shaira habang tinitingnan si Noah.
“Ahh siya si Noah, kababata ko, inaanak siya ni ninang Emerald at siya naman si Shaira best friend ko.”
Nagkamay silang dalawa at nagkwentuhan lang kaming tatlo hanggang medyo nagdidilim na.
“Pasok na tayo sa loob? Madilim na baka hinahanap na tayo nina Ninang.”
“Oo nga, medyo malamok na rin,” dagdag pa ni Shaira.
Nagtungo kami sa sala at nanood ng telebisyon. Hanggang sa mapansin ni Noah ang banga.  “Wow! Ang ganda naman ng bangang ‘to.” Lumapit siya at hinawakan ito agad.   “Pwede bang akin na lang ito? Hingin ko kaya kay Tita ‘to. Ganda talaga!”
“Naku, hindi kasi kay Tita yan e, sa amin yan ni Melissa,” putol ni  Shaira. “At isa pa may su—“
Agad kong tinakpan ang bibig ni Shaira upang huwag niyang mabanggit ang tungkol sa sumpa. Walang dapat makaalam ng tungkol ditto.
“Ahh… kasi… Mahal bili namin dyan ni Shaira, kaya hindi naming pwedeng ibigay na lang…” paliwanang ko sa kanya.
“Ah ganoon ba?  Sayang naman?  Saan niyo ba nabili ito?”
“Sa katapat na bahay, may garage sale kasi sa katapat na bahay naming,” sagot ni Shaira. Hindi na nasundan ang tanong ni Noah dahil inaya na siya ni Ninang upang umuwi.
Makalipas pa ang ilang mga araw, bumalik sa aming bahay si Ninang upang bisitahin ulit kami ni Mama at ibalita ang  nangyari kay Noah.
“Hindi ko nga alam kung bakit nitong nakaraang linggo ay ilang beses nang muntik masagasaan ang anak ko. Iniisip ko na baka aksidente lamang, ngunit hindi, halos araw-araw yata siyang muntikan nang masagasaan.”
Taimtim lamang akong nakikinig sa kwentuhan nila.
“Noong isang araw, napilayan sa paa’t kamay.” Malungkot na sabi ni Ninang.
Ang banga! Si Noah, gusto niya ang banga, at gustong makuha ito. Ang sumpa ng banga! Hindi kaya…
Iniisip ko pa rin ang tungkol sa banga nang dumating si Shaira.
“O Mel, ang lalim yata nang iniisip mo?”
“Ah, nariyan ka na pala.” Ah Shaira, tungkol sa mga napapanaginipan natin…”
Napatigil siya nang marinig ang tungkol sa panaginip. “Napapanaginipan mo pa rin ba?” tanong ko.
“Oo, nababahala na nga ako, ” sagot niya. “Ikaw nananaginip ka pa rin ba?”
“Ah oo, kaya lang may gusto pa sana akong sabihin sayo.” “Naaalala mo ba nung hinihingi sa atin ni Noah yung banga?”
“Oo, hindi natin binigay. Bakit? Ano ang tungkol doon?”
Sinabi ko ang lahat nang nangyari kay Noah nang mga nakaraang araw at katulad ng inaasahan ko, naisip niya rin ang tungkol sa sumpa. Kaya naman para kami’y makasigurado, pinuntahan naming si Lola Veronica.
“O, mga iha, anong maitutulong ko sainyo?”
Isinalaysay ang mga pangyayaring nagpapagulo saaming isipan kay Lola Veronica. Wala naman kaming reaksyong nakita sa matanda, di kaya’y inaasahan na niya ito?
“Tama kayo, ang sumpa ay nangyari na. At ang mga panaginip, ‘yan ay isa lamang epekto ng pagkakahanga ninyo sa banga. At tanging solusyon lamang dyan ay ang ituloy ang inyong panaginip at doon tapusin ang lahat lahat, ” paliwanag ni Lola Veronica. “Kinakailangan ninyong magkita-kita sa inyong mga panaginip. At kinakailangang sabay- sabay din kayong magigising. Huwag na huwag ninyong bibitawan ang kamay ng isa’t isa.”
Madali lang pala ang solusyon. Naisip ko ngunit tila nabasa ni Lola Veronica ang iniisip ko.
Hindi magiging ganun kadali ang lahat. Kayo ay nasa ibang lugar, kaya’t kayo’y pag-iisipan ng masama ng mga tao sa inyong panaginip. Huhulihin nila kayo. Kapag kayo ay nahuli o isa man sa inyo ang mahuli, hinding hindi na kayo makakabalik sa totoong mundo ninyo.” paliwanag ng matanda.
Nakita ni Lola Veronica sa aming mga mata na sigurado kami sa aming gagawin.
“Mag-iingat kayo mga bata at sana inyo ng matapos ang sumpa.”
Umalis na kami sa bahay ni Lola Veronica. Nag-usap kami ni Shaira at nagkasundong ipaalam ang lahat ng pangyayari kay Noah. Ngunit nagulat kami dahil pagkakitang-pagkakita niya sa amin ay naibulalas niya  na, “May sumpa ang banga? Hindi ba?”
“Pa—paano mo nalaman?” pagtataka namin ni Shaira.
“Naghanap ako ng mga impormasyon tungkol sa mga banga. Hindi ko rin alam ngunit bigla akong nagkaroon ng interes dito. At doon ko rin nalaman na mayroon pa lang mga banga na kung mayroon ng katandaan, may posibilidad na may dalang malas o sumpa.” “May sumpa ba ang bangang iyon?”
“O—oo, yun nga isa sa mga ipinunta naming dito” Kasunod noon ay ipinaliwanag na rin naming sa kanya ang sinabi sa amin ni Lola Veronica. Nalaman naming nararanasan din pala niya ang mga panaginip na kagaya ng sa amin.
Inaasahan naming na matatapos nan ain ang lahat ng ito ngayong gabi. Nais naming maging normal ulit ang lahat ng bagay sa aming buhay. Plinano na naming ang aming gagawin sa aming panaginip.
Doon sa loob ng palasyo nagsimula ang aming mga panaginip. Sa hardin kami nagkasundong magkikita-kita. Maya-maya’y may mga taong biglang humabol sa amin kaya’t hindi kaagad kami nakarating sa hardin.
“Dali! Habulin siya!”
Mabilis na mabilis akong tumakbo.
“Wag siyang hahayaang makatakas!”
Parami nang parami ang humahabol sa akin. Hindi ako dapat mahuli! Kailangang makarating ako sa hardin. Malapit na ako sa hardin… konti na lang… wala nag humahabol sa akin. Hindi nila ako mahuhuli ngunit bigla na lamang may tumakip sa aking bibig ay mabilis akong hinila. Katapusan ko na!
 “Melissa. Huwag kang matakot. Ako ito!”
“Noah!” Napayakap ako sa kanya. “Si Shaira?”
“Kanina ko pa siya hinahanap. Ilang beses na akong nagpabalik-balik ditto pero hindi ko pa siya nakikita?”
“Hanapin natin siya!”
“Delikado para sa’tin kung magsasama pa tayo sa paghahanap sa kanya. Ako na lamang ang maghahanap. Dito ka lang. Huwag na huwag kang aalis. Huwag ka mag-alala pagbalik ko ay kasama ko na siya.”
“Mag-iingat ka.” Bigla ko naman siyang niyakap. “ipangako mong babalik kayo dito nang ligtas.”
“Pangako, “ tugon niya na agad-agad na umalis.
 “Dali! Hindi pa iyon nakakaalis ng palasyo! Halughugin niyo, siguraduhin ninyong mahuhuli silang tatlo!” matapang na sigaw ng isang lalaki na parang bantay sa palasyo.
Mga ilang sandal pa ang lumipas ngunit wala pa rin sila. Nag-aalala na ako. Maya-maya’y nakarinig ako ng mga kaluskos na papunta sa akin. Bigla naman akong kinabahan. “Diyos ko, sana wag naman po.” pabulong kong dasal.
Ngunit nagulat na lamang ako nang Makita ko si Shaira. Bakit siya lang ang nandito? Hindi ba siya nakita ni Noah?
“Shaira!” Sabi ko at patakbong yumakap sa kanya. Hindi mob a kasama si Noah? Hinanap ka niya. Paano ka nakarating dito? Ayos ka lang ba?” Sunod-sunod kong tanong sa kanya.
“Nakita ko siya, siya ang nagturo sa akin dito. Kaya lamang ay nahuli kami” nagulat ako sa sinabi niya at di maiwasang mag-aalala.
“Ha?! Nahuli kayo? Paanong…”
“Si Noah ang nagpahuli para ako ang makatakas. Kailangan natin siyang mailigtas! Baka kung anong mangyari sa kanya,” nag-aalalang sabi ni Shaira.
“Kailangan natin maghintay ng ilang sandali.’ Kailangan naming mailigtas si Noah. Kailangang maalis ang sumpa. Tumigil ako sandali at nag-isip nang malalim. “ May naisip na akong paraan.”
Naghintay kami ng mahabang oras. Hating-gabi na at wala na rin kaming narinig na mga bantay na naghahanap sa amin. Tumigil na kaya sila? Sana naman…
“IKAW! NASAAN ANG MGA KASAMA MO?” sigaw ng isang guwardiya.
“ILANG BESES KO BA SASAABIHIN SA INYO! NAKATAKAS NA SILA PANIGURADO KAYA HUWAG NA KAYONG MAGPAKAPAGOD MAGHANAP!”
“Kung ganoon, maghanda ka na para sa kamatayan mo bukas ng umaga!” sabi ng guwardiya sabay alis.
Nang masiguro naming na wala nang nagbabantay sa amin ay pumasok kaming muli sa palasyo. Tatakas kami mula sa  lugar na ito! Kailangan maitakas naming si Noah.
“Naku po! Mel, may bantay!” natatarantang bulong ni Shaira sa akin.
“Shhhh… Wag tayong mag-ingay at hindi iyan magigising, maglakad lamang tayo ng dahan-dahan.” Ganoon nga ang ginawa naming at maingat naming kinuha ang mga susi sa mesa na katabi ng guwardiyang natutulog.
“Pssst! Noah! Gising.”
“Papaano ninyo ‘to natagpuan?” tanong niya.
“Hindi na ‘yun mahalaga, ang isipin na lamang natin kung alin dito sa mga susing ito ang makakapagbukas ng kulungan mo.” Natagalan kami bago mahanap ang tamang susi.
Agad kaming tumakbo kami papunta sa labasan ng mga kulungan. Palabas na sana kami ng isa pang pintuan nang magising ang bantay na guwardiya.
“TIGIL!” pasigaw niyang babala. Ngunit patuloy lang kaming tumakbo, hanggang sa marating namin ang hagdan paakyat. Dumami na nang dumami ang humahabol sa amin. Ngunit patuloy lamang kami sa pagtakbo hanggang sa marating namin ang hardin. Papalapit na ang mga guwardiya.
“MAGHAWAK-HAWAK NA TAYO NG KAMAY” sigaw ni Noah.
Sa pagtatagpo ng aming mga palad ay may matinding liwanag na tumakip sa buong paligid. Halos sabay kaming bumangon ni Shaira.
 “Melissa, natapos natin ang sumpa!”
Niyakap ko siya. “Oo nga. Tapos na ang sumpa! Natapos natin!”
“Melissa! Shaira! Gising na ba kayo? Bumangon na kayo dyan, at pupunta pa tayo kina Mareng Emerald, birthday pala ni Noah ngayon.” sabi ni Mama sa labas ng pinto ng aming silid.
Natapos naming ang sumpa, naging masaya ang araw na iyon para saamin, bumalik na ang dati sa lahat, wala na ang mga panaginip, normal na ulit ang aming buhay. Si Lola Veronica ay umalis na pala sa katapat na bahay, kinuha na siya ng kanyang anak na nagtatrabaho sa Amerika. Hindi namin itinapon ang banga, dahil ito ang nagsilbing alaala ng mga hindi makakalimutang karanasan na sumubok sa aming katatagan bilang tao.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento