Martes, Agosto 21, 2012

Fortune Cookies


Araw ng Linggo noong nagsimba kami ni Louise. Pagkatapos ng misa, dumiretso kami sa paborito naming Chinese restaurant. Habang tinatahak namin ang daan papunta doon ay nagulat ako dahil tinanong niya ako kung gusto ko nang magpakasal. Maglilimang taon na kaming magkasintahan, naisip ko na stable naman na kami sa aming mga buhay at alam kong kung um-oo ako ngayon ay alam kong hindi ako magsisisi sa huli. “Oo o hindi?” Syempre um-oo na ako. Tatanggihan ko pa ba na maging masaya ako panghabang buhay?
Nag-park na kami. Habang naglalakad na kami papasok sa restaurant, may babaeng nakatakip ang kalahati ng mukha na mata lang ang kita ang lumapit sa amin.
“Tulungan niyo naman ako, nawawala ang asawa ko.” Sambit nito.
Sobrang nakakapangilabot ang boses niya kaya naitulak ko siya palayo sa amin. Napaupo siya sa kalsada at kami naman ay nagpatuloy na sa paglalakad papasok. Naupo na kami. Kinalimutan na namin ang tungkol sa babae. Nag-order na kami. Habang hinihintay namin ang pagkain ay lumapit sa amin ang waitress.
“Sir, mam, fortune cookies po, bunot po kayo.”
 Pagkabukas ko ng fortune cookie ay na-weirduhan ako sa nakasulat. Tagalog kasi ito.
“HINDI MO MATATAKASAN ANG NAKARAAN.”
Itinapon ko na lang ito at kinausap si Louise. Hindi ko na lang tinanong si Louise dahil wala naman akong pakialam doon.
 Sa wakas ay dumating na ang order namin. Masaya kaming kumain habang pinag-uusapan ang tungkol sa kasal.
Lumipas pa ang ilang araw at marami-rami na rin kaming naiplano. Napagdesisyonan ko na din kung anong magiging itsura ng aking gown. Gusto ko ng vintage wedding. Lumipas pa ang ilang araw at naipamigay na rin ang mga imbitasyon. Siguradung -sigurado na talaga kami dito sa kasal na ‘to.
Habang papalapit ang araw ng kasal may mga gabing sadyang gumugulo sa akin. Ilang beses ko na kasing napapanaginipan si Jonathan. Siya yung lalaki na napagtripan naming magkakabarkada noong nagswimming kami sa Batangas pagkatapos ng aming high school graduation.
May nobya kasi siya, si Nita. Pinagkatuwaan naming ang mga promding ito. May nangyari sa amin ni Jonathan. May nangyari din kay Louise at Nita. Hindi ko pa nobyo si Louise ng mga oras na yun.
Ilang magkakasunod na gabi kong napapanaginipan si Jonathan na sinasakal ako gamit ang aking belo ko. Noong pangalawang gabi’y sinaksak niya ako ng itak at nang huling ay sinunog niya ang katawan ko. Nagsisigaw ko hanggang sa magising.
Hindi ako mapamahiing tao kaya winalang-bahala ko na lang ito. Kahit naiisip kong lahat ng ito ay tila pangitain sa hindi pagkakatuloy ng aming kasal, walang sinuman ang pwedeng pumigil noon.
Katulad ng fortune cookie hindi ko na rin ikinuwento kay  Louise ang tungkol sa  mga panaginliip ko. Ayaw kong mag-isp pa siya at ayokong magkaroon ng problema ang tungkol sa kasal namin lalo pa’t wala ng isang buwan bago ang araw na aming pinakahihintay.
Isinulat ko na lang ang lahat ng ito sa aking diary.
Akala ko’y jitters lamang lamang ang mga panaginip ko subalit muli itong nanumbalik makalipas ang ilang araw. Patuloy pa rin ang pagpapakita ni Jonathan sa aking panaginip. Hanggang sa dumating na sa punto na ayaw ko nang matulog. Ayaw ko na siyang makita pa.
Pero kahit nililibang ko ang aking sarili, sa mga saglit na iidlip ako, sa pansamantalang pagtigil ko sa aking ginagawa ay biglang parang daraan ang kanyang mukha sa gilid ng   mga mata ko. Paulit-ulit… paulit ulit. I am getting paranoid…
“Aaaaaaaah!”
Balot na ako ng takot, pero wala akong sinabihan ni isa tungkol dito maliban sa diary ko.
Bisperas ng araw ng aming kasal ginulat ako ni Louise nang dumating siya sa condo. Nagtataka ako kung bakit parang suot niya ay ang mismong damit na nakikita kong laging suot ni Jonathan sa panaginip ko. Hindi ko ito pinansin.
Nagtataka siya dahil sulat ako nang sulat ko habang kinakausap niya ako. Nagalit siya. Bigla na lamang niya akong sinakal. Namumula ang kanyang mga mata sa galit. Hindi siya si Louise…. Siya si JONATHAN…..
“EEEEEH!”
Madilim, malamig, malansa ang amoy sa paligid. Dugo, amoy ng malansang dugo. Punong puno ng dugo ang kamay ko habang isinusulat ko ito. Hindi ko alam kung anong dahilan ng panginginig ko. Gutom, takot o lamig? Hindi ko alam.
Katabi ko ngayon ang wala ng buhay na si Louise. Napatay ko siya sa pagtatanggol ko sa aking sarili. Hindi ko sinasadya. Papatayin niya ako gaya ng pagpatay ni  Jonathan kay Nita.
Ang nakasulat sa fortune cookie na hindi ko raw matatakasan ang nakaraan sa pamamagitan ng babae na aking nakita sa huli kong panaginip.
“Hindi na matutuloy ang kasal namin ni Jonathan. Akala niya ay may nangyari sa amin ni Louise.” Umiiyak siya sa akin, nagmamakaawa. “Paliwanagan mo naman si Jonathan. Makikinig iyon sa iyo,” pagsusumamo niya.
Si Nita ang babae sa panaginip ko! Si Nita at ang babae na nakita namin sa restaurant noon na humihingi sa amin ng tulong dahil nawawala ang asawa niya!
Ayon kay Louise, nagkwentuhan lamang sila ni Nita sa silid noong gabing ‘yon. Ngunit planado talaga ang lahat ng ‘yon, si Louise kay Nita at ako kay Jonathan. Hindi naman namin alam na ikakasal na pala sila, balak lang namin na pag-awayin ang dalawa bago kami umalis doon. Nakakatawa talaga ang mga probinsyano, dahil lang sa isang laro hayun ang gulu-gulo ng buhay. Pagbalik namin magbabarkada sa Maynila ay hindi na namin muli pang napagusapan ang tungkol doon.
Nabalitaan na lamang namin ang mga sumunod na nangyari. Dahil sa maling akala ni Jonathan  na may nangyari kay Nita at Louise ay nagalit siya at sa sobrang galit nito’y napatay niya si Nita. Sinakal niya ito gamit ang belo na dapat sana ay susuotin nito sa kanilang kasal, sinaksak ng itak at saka sinunog ang katawan.
At ngayon ay nangyayari sa amin ang nangyari sa kanila. Hindi natuloy na pagpapakasal nila at ang pagpapakamatay ni Jonathan pagkatapos niyang mapatay si Nita. Hindi ko alam… Hindi ko na makontrol ang sarili ko.
Naririnig ko ang sigawan ni Jonathan at Nita… ang pag-iyak ni Nita… ang pagsigaw ni Jonathan… Natatakot ako.
Ahh.. Kutsilyo, oo kutsilyo. Sinaksak ni Jonathan ang sarili niya matapos niyang patayin ang babaeng mahal na mahal niya.
Kasalanan ko ito… Patay na ang taong mahal ko, ang taong gusto kong makasama habang buhay kaya wala na din dahilan para mabuhay ako. Sinaksak ni Jonathan ang sarili niya… Natatakot ako.
Patawad Jonathan at Nita, naging hadlang kaming dalawa sa pag-iibigan niyo, dapat lang sa amin itong ginawa niyo. Ngunit hindi! Hindi naming sinasadya. Wala kaming alam. Hindi ko alam. Tama sila, hindi nga namin matatakasan ang nakaraan. Takot… Kaba… Hindi ko alam ang gagawin ko. Louise, aking mahal magsasama na tayo habang buhay.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento