Huwebes, Agosto 2, 2012

MGA BULAKLAK NG PAGPAPAALAM


Kasabay ng pagpatak ng ulan ang pagpatak ng luha ng mga tao habang ibinababa ang kabaong ng isang malapit na katrabaho. Tila nakiki-ayon ang langit sa damdamin ng mga taong nandirito ngayon.
            Tandang-tanda ko pa ang araw na iyon,
 Lunes na naman, tiyak na marami na namang mga kliyente ngayon kagaya ng mga karaniwang Lunes na nagdaan. Sagot ng telepono dito, pirma ng mga dokumento doon; iyan ang mga paulit-ulit na gawain sa aming opisina kung saan ako ay nagtatrabaho bilang manager ng HR Department. Pagpasok ko sa aming departamento ay agad akong sinalubong ni Martha, ang aking assistant. Malaki ang ngiti sa kanyang labi habang hawak niya ang isang pumpon ng bulaklak. Sa pag-aakalang para sa kanya ang mga naturang bulaklak ay tinukso ko siya nang kaunti.
            “Aba! Mukhang mayroon kang secret admirer ah, Martha!” pabiro kong sabi.
            “Nagkakamali po kayo Ma’am Ramirez, hindi po para sa akin ang mga bulaklak na ito!” tugon niya sa akin.
            “Ganoon ba? Sayang naman! Ngunit para kanino nga ba ang mga iyan?”
            “Para sa inyo po Ma’am!” sabi niya sabay abot sa akin ng mga bulaklak.
            “Para sa akin? Ngunit kanino naman kaya ito nanggaling?”
“Pagpasok ko po rito ay nakalagay na iyan sa aking mesa at mayroon lamang kasamang papel na mayroong nakasulat na pangalan mo. Wala pong nakalagay kung kanino galing, Ma’am.”
            “Sige, salamat!”
            Hinayaan ko na lamang ito at hindi na inalam kung kanino ito nagmula, marahil nagkamali lang ng address ang pinanggalingan nito o ‘di kaya ay nanloloko lamang.
            Papunta na ako sa aking sariling pwesto sa opisina nang makasalubong ko si Luis, ang anak ng Chairman ng aming kompanya. Hindi gaanong mataas ang kanyang posisyon sa kompanya dahil gusto niyang marating ang rurok ng tagumpay gamit ang sariling dugo at pawis. Siya ay manager ng Marketing Department. Malapit kami sa isa’t isa dahil siya ang unang naging kaibigan ko dito sa kompanya noong baguhan pa lamang ako. Nagkatinginan kami at ngumiti sa isa’t isa.
            “Ang ganda ng mga puting rosas na iyan ah! Alam na alam ng taong nagbigay niyan kung ano ang mga paborito mong bulaklak,” puna ni Luis.
            “Pwedeng tama ka, pwede rin namang hindi. Hindi ko kasi alam kung sino ang nagbigay ng mga ito, baka nagkamali lang ng address o kaya naman ay niloloko lang ako,” paliwanag ko.
            “Hindi naman siguro, baka nahihiya lang ang taong iyon.”
            “Teka nga, mayroon ka bang alam tungkol dito? Sa paraan ng pananalita mo ay parang kilala mo kung sino ang tao sa likod nito ah!”
            “H-ha? A-ako? Wala akong alam d-diyan! Hindi k-ko kilala kung sino m-man ang taong i-iyon!” medyo uutal-utal na sagot ni Luis.
            “Bakit nauutal ka diyan? May tinatago ka sa akin, ano!” suspetsa ko.
            “Wala! Magagawa ko ba namang magtago sa pinakamatalik kong kaibigan?”
            “Mga palusot mo na naman, Luis! Sige na nga, maiwan na kita at marami pa akong gagawin,” pagpapaalam ko.
            “Sige, kita na lang ulit tayo.”
            Hindi ko na masyadong inisip ang tungkol sa mga bulaklak at itinuon na lamang ang aking pansin sa trabaho.
            Martes. Naulit na naman ang pagpapadala ng misteryosong bulaklak. Muli ay walang nakasulat kung kanino nanggaling ang mga ito. Nakakapagtaka ang pagpapadala ng mga bulaklak na ito, ngunit wala naman akong mahanap na klu kung saan at kanino ito nagmumula. Nang magkita kami ni Luis ay kinuwento ko sa kanya ang tungkol dito. Ang tanging sinabi niya lamang ay, “Malay mo malapit lang pala sa’yo ang nagbibigay ng mga bulaklak na iyan.” Hindi ko na natugunan ang pahayag niyang iyon dahil tinawag ako ng ni Martha; may naghahanap daw sa akin. Napa-isip ako sa sinabing iyon ni Luis. Posible nga kayang malapit lang sa akin ang taong iyon? Ngunit sino siya?

            Miyerkules. Muli na naman akong nakatanggap ng mga puting rosas. Sa pagkakataong ito ay nakasisiguro na ako na hindi nagkakamali ng pinapadalhang address ang taong nagbibigay ng mga bulaklak dahil mayroon nang kasamang sticky notes ang mga ito. Binasa ko ang nakasulat:
            Alicia,
                        Kung nagtataka ka kung sino ako, hindi mo na kailangang maghanap pa sa malayo dahil palagi mo akong nakakasama. Malalaman mo din kung sino ako sa takdang panahon.
                                                                                                                                                -L
            “L”? Sino kaya ang “L” na ito? Pamilyar ang sulat-kamay na ito, ngunit hindi ko maalala kung sino ang nagmamay-ari. Ang sabi dito ay lagi ko siyang nakakasama. Araw-araw naman ay wala akong ibang pinupuntahan kundi ang opisina at ang aming bahay. Maaari kayang mula sa kompanya ang nagbibigay nito?
Si Luigi kaya na manager ng Financial Department? Ngunit mayroong kasintahan si Luigi! Si Leo kya na empleyado sa ilalim ng Marketing Department? Sa pagkakaalam ko ay kakakasal lamang niya noong isang buwan. O ‘di kaya si Lester na kasama ko sa HR Department? Binata siya at walang kasintahan. Ngunit hindi kami malapit sa isa’t isa upang gawin niya ang bagay na ito. Sino pa kaya ang “L” ang simula ng pangalan sa kompanyang ito? Bigla kong naalala si Luis. Si Luis? Mukhang imposible na sa kanya ito manggaling dahil mayroon siyang babaeng napupusuan, hindi ko nga lang alam kung sino iyon. Isa pa, siya ang pinakamatalik kong kaibigan! Bakit naman niya gagawin ang isang bagay tulad ng pagpapadala ng bulaklak sa akin?
            “Bakit tulala ka diyan?” isang pamilyar na tinig ang gumising sa aking diwa. Sa pag-iisip ko ng malalim ay hindi ko namalayang nasa tabi ko na pala si Luis.
            “Nagpadala kasi siya ulit ng mga bulaklak, at mayroon nang kasamang maikling sulat,” pagpapaliwanag ko.
            “Anong sabi?”
            Pinakita ko sa kanya ang kard at binasa niya ito.
            “Baka tama ang hula kong nasa tabi-tabi lamang ang taong iyan! Sino kaya ang “L”na ito?” usisa ni Luis.
            “Luis, umamin ka nga. Baka naman ikaw ang “L” na ito?”
            “Ako? Bakit mo naman iyan iisipin? Hindi kaya kita type! Ang dami daming magagandang babae diyan eh!”
            “Nagtatanong lang naman ako, hindi mo kailangang manlait!”
            “Eto naman, nagbibiro lamang ako! Hayaan mo na, darating din ang panahon kung saan malalaman mo kung sino ang taong iyan.”
            “Sana nga Luis, sana nga.”

            Huwebes. Mayroon na namang mga bulaklak para sa akin, ngunit wala na namang nakalakip na kahit ano rito, ‘di tulad ng kahapon. Hinanap ko si Luis noong break ko upang magkwento, ngunit hindi ko siya natagpuan. Ang sabi ng isang empleyado niya ay liban daw siya. Bakit kaya? Hinayaan ko na lamang ito at nagtrabaho na lamang.

            Biyernes. Isang pumpon ulit ang iniabot sa akin ni Martha pagpasok ko. Tulad kahapon ay wala itong kalakip na kahit ano. Hindi ko na pinagtuunan pa ito ng pansin dahil naisip kong sayang lamang ang oras ko dito. Marahil ay isang manloloko lamang talaga ang nagpapadala nito. Lumipas ang maghapon at walang Luis Martinez ang nagpapakita sa akin. Nagtanong-tanong akong muli sa kanilang departamento kung nasaan siya. Ang sabi nila ay liban na naman ito. Asan na kaya si Luis?
            Sabado. Walang pasok ngayon kaya naman nasa bahay lang ako at nagpapahinga. Alas-kwatro ng hapon nang may matanggap akong isang text galing kay Martha na naglalaman ng isang balita na alam kong makapagpapabago sa takbo ng aking mundo. Pumanaw na daw si Luis. Tinanong ko kung saan nakaburol ang kayang mga labi at agad ko itong pinuntahan. Pagdating ko doon ay nag-uunahang pumatak ang mga luha sa aking mga mata. Nang medyo kumalma na ako ay ikinuwento sa akin ni Martha ang nangyari kay Luis, kung bakit wala na siya ngayon. Ayon sa mga nakalap na impormasyon ni Martha ay nasa ospital na daw si Luis noong Miyerkules pa lamang ng gabi. Nanikip daw ang kayang dibdib at nawalan siya ng malay sa kanilang bahay. Napag-alaman sa ospital ng may butas ang kanyang puso at masyado nang malaki upang magamot pa. Hindi na maganda ang naging kondisyon niya ng mga sumunod na araw at binawian na nga siya ng buhay kaninang alas-dos ng hapon. Muli na namang bumuhos ang aking mga luha sa pagsasalaysay ni Martha. Simula ngayon ay kailangan ko nang mabuhay ng wala ang aking pinakamatalik na kaibigan sa aming opisina.
Tumagal ng isang linggo ang kanyang lamay. Sa loob ng isang linggong pagluluksa sa pagkawala ni Luis ay niluwagan muna ni Chairman ang schedule ng lahat sa kompanya dahil tulad ng mga empleyado ay  wala rin siyang gana na magtrabaho buhat sa pagkamatay ng kanyang panganay na anak. Sa loob din ng isang linggong pagluluksa ay patuloy pa rin ang pagpapadala ng mga puting rosas ng taong hindi ko kilala. Hindi ko iyon pinapansin dahil isinusubsob ko ang aking sarili mga trabaho ko upang kahit papaano ay maibsan ang pagdadalamhati sa aking puso.
Araw ng Linggo nang inilibing ang mga labi ni Luis. Umuulan nang araw ng iyon. Kasabay ng pagpatak ng ulan ang pagpatak ng luha ng mga tao habang ibinababa ang kabaong ng isang malapit na katrabaho. Tila nakiki-ayon ang langit sa damdamin ng mga taong nandirito ngayon.

            Ang bilis talaga ng oras. Lunes na naman. Balik na sa dati ang lahat ng aming schedule at mga gawain. Isang linggo na mula nung mawala siya.
            Pagpasok ko sa opisina, sinalubong ako ni Martha na mayroon na namang dala na isang pumpon ng mga puting rosas.
            “Ma’am Ramirez, para sa inyo na naman po. Wala po ulit nakalagay kung kanino nanggaling,” saad ng aking assistant.
            “Sige. Salamat, Martha.”
            Kanino kaya nanggagaling ang mga bulaklak na ito? Dalawang linggo na ding paulit-ulit na nagaganap ang bagay na ito, hanggang ngayon ay wala pa rin akong ideya kung sino ang nasa likod nito.
            Papasok na sana ako sa aking opisina nang tawagin ako ni Martha.
            “Ma’am, mayroon po yatang kard diyan sa loob.”
            “Ah sige, titingnan ko na lang. Salamat ulit!” nakangiti kong sagot sa kanya.
            Pumasok na ako sa aking opisina at binasa ang nakasulat sa kard.
            “Alicia,
                        Maging masaya ka sa mga tao sa paligid mo. Umibig ka at maging malaya. Kahit saan ka magpunta, tandaan mo, nandito lang ako. Hinding-hindi kita iiwan.
                                                                                                                                                -L”
            “L”? Sino ba itong “L” na ito? Binaliktad ko ang kard, umaasang mayroon akong mahahanap na kasagutan sa aking mga tanong. Hindi nga ako nagkamali! Natagpuan ko sa likod ng kard ang pangalan ng flower shop na marahil ay pinanggalingan ng pumpon ng bulaklak na ito.
            “Blossoms Flower Shop?”
Ngayon ko lang napansin ang kard. Bakit hindi ko ito naalala noon? Saan ko kaya ito matatagpuan?
            Inutusan ko ang aking assistant na hanapin ang lokasyon ng nasabing flower shop. Nang matapos ang aking trabaho, tinanong ko si Martha kung saan ito matatagpuan at ibinigay niya sa akin ang nahanap niyang address sa Internet. Mabuti na lamang at malapit lang ang flower shop na ito mula sa aming opisina. Sandali lang, kung malapit lang ang flower shop na ito sa aming opisina, posible nga kayang isa mga katrabaho ko ang nagpapadala ng mga bulaklak katulad ng aking naisip dati? Ngunit sino naman kaya ito? Pupuntahan ko na lamang ang flower shop para makasigurado, baka mayroon silang alam tungkol dito.
            Alas-singko na ng hapon nang marating ko ang flower shop. Tinanong ko ang tindera sa may counter kung mayroon ba silang ipinapadala sa address ng aming opisina.
            “Opo Ma’am. Noong nakaraang Lunes at ngayon,” sagot sa akin ng tindera.
            “Sino ang nagpapadala?”
            “Utos na lamang po ito sa amin. Nakatakda na po kasi ang mga petsa kung kailan namin ito ipapadala.”
            “Ngunit may alam ka ba kung sino ang nag-utos?”
            “Sa pagkakatanda ko po ay isang Luis Martinez ang nag-utos.”
            Nagulantang ako sa aking mga sumunod na narinig. Si Luis? Ang aking pinakamatalik na kaibigan? Ngunit siya ay patay na! Bakit kailangan niya itong gawin?
            “Ma’am, bakit po kayo umiiyak?” nagulat ako sa tanong ng tindera sa akin.
            Hinawakan ko ang aking pisngi at mayroon ngang mga luha na pumatak mula sa aking mga mata.
            “Ay Ma’am! Mayroon din pong sulat na iniwan dito mula kay Sir Martinez,” sabi ng tinder, “ Ibigay ko raw poi to sa unang babaeng magtatanong tungkol sa mga bulaklak.”
            “Maaari ko bang makuha?”
            “Ito po.”
            “Sige, salamat.”
            At umalis na ako sa flower shop. Wala pa akong lakas ng loob na basahin ang nilalaman ng sulat. Sumakay ako sa aking kotse at pinaandar ito. Hindi ko alam kung saan ako patungo, basta nagmamaneho lang ako. Dinala ako ng aking mga paa sa sementeryo kung saan nakalibing ang mga labi ni Luis. 
Nang makarating ako sa kanyang puntod, umupo ako harap noon at dahan-dahang binuksan ang sulat.
            “Alicia,
           Marahil ay wala na ako kapag nabasa mo itong sulat ko para sa iyo. Matagal ko nang alam na mayroon akong sakit at ako ay mamamatay. Wala akong pinagsabihan tungkol dito dahil ayokong kaawaan ako ng mga tao sa aking paligid. Isa pa, ayokong makita kayong malungkot kapag sinabi ko sa inyo ang tungkol sa sakit na ito, lalo ka na. Nagtataka ka siguro kung bakit kita pinapadalhan ng mga puting rosas tuwing Lunes? Katulad ng sinabi ko sa iyo sa kard noong isang bulaklak, alam ko nga na ang puting rosas ang paborito mong bulaklak. Naaalala mo pa ba na Lunes tayo unang nagkakilala? Iyon ang araw na natanggap ka sa opisina ng aking Papa. Simula pa lang noon ay napansin na kita. Ang iyong kagandahan, ang iyong kabaitan, lahat lahat tungkol sa iyo. Habang lumilipas ang panahon ay naging malapit tayo sa isa’t isa at lumalim din ang nararamdaman ko para sa iyo. Hindi ko ipinaalam o ipinaramdam ito dahil natatakot ako na masaktan ka kapag wala na ako. Alam kong pagsisisihan ko ang desisyon kong iyon, ngunit mas mabuti na rin ito para sa iyo…at para din sa akin. Tandaan mo Alicia, mahal na mahal kita at lagi kitang babantayan saan ka man magpunta. Sana ay maging maligaya ka.
                                                                                                                                                -Luis”


1 komento:

  1. Harrah's Resort Atlantic City Tickets - JTM Hub
    Buy Harrah's Resort Atlantic City tickets 서산 출장샵 at 진주 출장안마 JTM and see upcoming events at Harrah's Resort Atlantic City. Find Harrah's Resort Atlantic City venue concert 고양 출장샵 and event Feb 1, 당진 출장샵 2022Randy 안양 출장마사지 HouserJan 21, 2022Jamey Johnson

    TumugonBurahin