Linggo, Agosto 12, 2012

BANGUNGOT


Si Cj ay nakatira sa isang hindi kilalang barangay sa Baguio. Ang kanilang bahay ay luma kaya’t ito ay kinilalang haunted house. Si Cj ay lumaking wala sa tabi ng kanyang mga magulang at ang tanging kasama niya ay ang kanyang yaya na kung tawagin niya'y Lola Paula.
Si Cj ay nasa ikaanim na baitang ng elementarya sa isang pribadong paaralan. Tanging ang kanyang limang kaibigan at si Lola Paula lamang ang kanyang nakakasama. Si Glen ang pinakamalapit na kaibigan ni Cj dahil silang dalawa lamang ang lalaki sa kanilang magkakaibigan. Si Allison naman ay may malikot na pag-iisip at mahilig gumawa ng mga kalokohan. Si Patricia naman ang kasa-kasama ni Allison dahil parehong mahilig sa kalokohan. Si Jessa, ang pinakamatatakutin at masayadong naniniwala sa mga sobrenatural. At huli, si Denella, ang pinakamahinhin at tahimik sa kanilang lahat.
Isang araw nang magkasama-sama silang anim na magkakaibigan, naisipan nina Allison at Patricia na takutin si Cj. Maya-maya ay nakita nilang umaakyat ng mag-isa si Cj sa hagdan. Tahimik nila siyang sinundan at maya-maya’y ginulat. Sa sobrang takot at gulat ay napakapit si Cj sa kanyang dibdib, pinagtawanan siya nina Allison at Patricia. Dahil sa napahiya siya, nag-isip si Cj ng paraan para maisip ng kanyang mga kaibigan na siya ay matapang at hindi matatakutin. Naisip niya ang isang nakatatakot na kwento habang siya ay papauwi na ng kanilang bahay.
Kinabukasan, ikinwento niya ito sa kanyang mga kaibigan.
“Grabe Cj, ang tapang mo!” sabi nina Allision at Patricia na manghang-mangha sa kanya.
“Hala! Ayoko na talaga pumunta sa bahay nyo,” ang sabi naman ni Glen.
"Ayoko ng ganyang kwento! Natatakot ako.", ang sabay na sinabi nina Jessa at Denella na nanginginig pa ang mga boses.
Natuwa naman si Cj sa reaksyon nila at naisip niyang gumawa muli ng kwento. Nang maka-isip siya ng kwento ay kanya itong ikinatuwa dahil siya ay nakalikha ng kapanipaniwala ngunit katakot-takot na kwento patungkol sa kanya sarili.
Kinabukasan ay agad niya itong ikinwento sa kanyang mga kaibigan.
“Ano ba yan Cj, hindi na nakakatuwa ang mga kwento mo. Masyado na kaming natatakot,” sabi nila.
Natawa siya sa sinabi nilang lahat dahil takot na takot sila sa kanyang walang-katotohang kwento. Nang araw ding 'yon, ay may naisip si Allison at kanyang tinawag si Patricia.
“Tara, tayo naman ang manakot kay Cj,” ang sabi ni Allison kay Patricia.
“Pero paano natin gagawin 'yon?” tanong naman niya.
Ngumiti lang si Allision na tila may binalak na sa kanyang isipan. Maya-maya'y sinabi nina Allison at Patricia kina Glen, Jessa at Denella ang kanilang balak.
Pagkatapos ng klase, Si Cj, Jessa, Denella at Glen na lamang ang natira sa silid-aralan. Nag-aayos ng kanilang mga gamit sina Jessa, Denella at Cj, habang si Glen naman ang nag-aayos ng mga upuan. Napansin ni Cj na bahagyang sumasara ang pintuan ng kanilang silid, ngunit hindi muna niya ito masyadong binigyan ng pansin. Nang makalipas ang isang minuto, muli niyang napansin ang pintuan na unti-unting sumasara, at nakaramdam na siya ng kaba.
"Nakikita niyo ba ang nakikita ko?" tanong ni Cj.
"Anong sinasabi mo? Tayo lang naman ang naririto," sagot ni Jessa.
Hindi na lamang pinansin ni Cj ang nakita subalit nakaramdam pa rin siya ng takot. Papalabas na ng silid-aralan sina Glen, Jessa at Denella.
"Saan kayo pupunta? Hintayin ninyo ako, sandali na lamang ito at matatapos na ako," ang pag-awat ni Cj sa kanilang pag-alis.
"Bakit, natatakot ka? Akala ko ba'y matapang ka?" tanong ni Glen.
"Hindi ako natatakot. Sige umalis na kayo.", ang matapang na isinagot ni Cj.
Madaling umalis sina Glen, Jessa at Denella. Dahil sa pilit na itinatagong takot ay nagmadali si Cj mag-ayos ng kanyang mga gamit, at lumabas na ng silid. Napagtanto niya na siya na lamang ang nag-iisang estudyante sa gusali. Habang siya ay pababa ng hagdan ay may nakasalubong siya na babaeng nakatim. Kinalibutan siya ngunit binaliwala na lang niya ito at patuloy pa rin sa pagbaba ng hagdanan. Hindi kalayuan ay narating niya ang ikatlong palapag, kung saan ay nakarinig siya ng hagikgik. Napatingin siya sa kanyang likuran kung saan sa tingin niya'y nanggaling ang mga hagikgik. At sa kanyang likuran din ang kinatatayuan ng babae ngunit napansin niyang ito'y nawala na. Si Cj ay nagtaka at natakot kung bakit nawala ito ng ganoong kabilis, kaya't nagmadali na siyang bumababa ng hagdanan.
Nang marating niya ang huling palapag ng gusali ay may nakita siyang nakatalikod na batang lalaki at mukha pang duguan. Nakaramdam si Cj ng takot at panlalamig ngunit pinagpasyahan niyang kilalanin ang muhka ng bata. Lumakad ang bata patungo sa isang silid, at sinundan naman ito ni Cj. Nang malapit ng marating ni Cj ang silid ay biglang lumabas sina Allison at Patricia sa kanilang pinagtataguan. Nagulat ng husto si Cj at napaupo sa sahig habang nakakapit sa kanyang dibdib. Pinagtatawanan siya nina Allison at Patricia at sinabing,
"Saan ka pupunta? At sinong sinusundan mo?" na may kahirapan sa pagsasalita dahil sa sobrang namimilipit sa tawa.
Tumayo si Cj sa pagkakaupo at inayos ang kanyang sarili.
"BUMABA NA KAYO DIYAN!” sigaw ni Allsion na tila'y may tinatawag.
"Oo nga, bumaba na kayo diyan! Umiiyak na si Cj," ang dagdag ni Patricia at nagbibiro.
Sa hindi kalayuan ay bumaba ng hagdanan sina Glen, Jessa at Denella na tumatawa.
"Kayo yung naririnig kong humahagikgik kanina noh? Eh sino yung bata?" pagtataka ni Cj.
"Ano.. sinong bata? Eh tayo-tayo na lang naman ang nandito," ang sabi ni Glen na patuloy pa rin sa pagtawa.
"Ah ganoon ba? Huwag ‘nyo na lang akong intindihin.", sagot ni Cj.
"Tara na umuwi na tayo, mag gagabi na oh.", paanyaya ni Denella sa kanyang mga kaibigan.
Habang nasa daan, si Cj ay napa-isip sa kanyang nakita.
"Sino kaya yung nakita kong bata sa corridor? Bakit nandoon siya sa building namin, misteryoso masyado eh. Mga grade 4-6 lang naman dapat ang nasa gusaling iyon.", sabi ni Cj na nanatili pa ring nagtataka.
Nang nasa bahay na siya, ay naghanda na si Lola Paula ng kanilang hapunan. Nang matapos ang hapunan ay dumiretso kaagad siya sa kanyang silid at agad-agad kinuha ang mga takdang aralin para masagutan ito nang mahusay. Magmamadaling araw na bago siya matapos sa kanyang mga takda.
"Sa wakas makakatulog na rin ako!", masayang sinambit ni Cj.
Tulog na si Cj, ngunit nag sasalita pa rin ito, at mukhang binabangungot na siya.
"Sino ka? Wag kang lalapit!", takot na isinisigaw ni Cj habang siya ay tulog.
Narinig ni Lola Paula ang mga ingay mula sa kwarto ni Cj kaya't agad-agad siyang pumunta sa kwarto nito. Laking gulat ni Lola Paula sa kanyang nakita.
"Cj! Cj! Gumising ka! Cj!", pasigaw na sinasambit ni Lola Paula upang magising ito.
"Lola! Tulong! Hinahabol ako ng bata at malaking lalaki!", sigaw ni Cj ngunit siya’y natutulog pa rin.
Nagising si Cj kinaumagahan, naligo, kumain ng cereal at pumasok. Nang makarating siya sa paaralan napansin niyang walang pumapansin sa kanya. Nagtataka siya dahil tahimik ang kanyang mga kaibigan na tila malungkot at may problema.
"Allison! Bakit kayo malungkot? Ano ba ang hindi ko nalalaman?" ang sabi niya sa kanyang kaibigan at umaasang siya’y mapapansin nito. Ngunit hindi umimik si Allison.
"Huy! Ba’t hindi mo ako pinapansin? Ano ba ang nangyayari? Patricia! Denella! Glen! Jessa! Bakit ba hindi nyo ako pinapansin? May nagawa ba ako?" ang tuloy-tuloy na pagsasalita ni Cj.
Nalungkot at nagalit si Cj dahil sa nangyari. Lumayo na lamang siya at nagpaka-isa buong araw. Matapos ang klase, mag-isa pa rin si Cj at walang kumakausap sa kanya. Maya-maya’y nakita niyang nagtipon-tipon ang kanyang mga kaibigan.
"Bakit hindi nila ako isinasama sa mga usapan nila?" ang pabulong na sinabi ni Cj na tila may pagtataka.
"Hindi ko akalain na ganyan ang mangyayari.", malungkot na sabi ni Patricia.
"Paano nangyari yun?", ang sabi nina Denella at Jessa na tila hindi makapaniwala sa kanilang nalalaman.
"Tara na nga. Pumunta na lang tayo kina Cj para malaman natin ang lahat.", paanyaya nina Allison at Glen sa kanilang mga kaibigan.
Narinig ni Cj ang pinag-uusapan ng kanyang mga kaibigan at nagtaka dahil sa narinig niya na pupunta sila sa kanilang bahay. Hindi namalayan ni Cj na wala na pala ang kanyang mga kaibigan sa loob ng kanilang silid.
Nagmadaling umuwi si Cj sa kanilang bahay. Nang makarating siya sa kanilang bahay napansin niyang maraming nakaparada na sasakyan sa harapan nito. Pumasok siya at nakita niya sa loob na naroroon ang kanyang mga tiyuhin, tiyahin pati narin ang mga pinsan niyang taga Maynila. Lahat sila ay malungkot at karamihan sa kanila ay lumuluha. Nagtaka naman siya dahil ngayon lang nagtipon-tipon ang kanyang mga kamag-anak ng wala siyang kaalam-alam. Ngunit kanyang ipinagtaka na sa araw ng kanilang pagtitipon ay malungkot at walang sigla ang kanyang mag-anak. Makalipas ang ilang minuto, dumating ang kanyang mga kaibigan at kasunod nila ay ang mga magulang ni Cj. Laking gulat niya dahil hindi niya inaasahang uuwi na ang kanyang mga magulang mula sa ibang bansa. Natuwa siya subalit nahaluan ng lungkot ang kanyang nararamdaman dahil sa hindi pa rin siya napapansin. Maya-maya’y may dumating na kabaong mula sa karo. Laking gulat nya at nasabing,
"Sino ang patay? Bakit dito dinala?", ang pabulong na itinanong ni Cj.
Dahil sa kanyang kagustuhang makita at malaman kung sino o ano ang nilalaman ng kabaong ay kanya itong sinubukan buksan. Sa hindi inaasahang pangyayari, si Cj ay nabigo na mabuksan ito o kahit na hawakan ay hindi niya nagawa. Ilang sandali lamang ay lumapit sina Allison at iba pa niyang mga kaibigan kay Lola Paula.
Ilang saglit lamang ay nakita niyang inaayos na ang kabaong na dumating. Nakita niyang humahagulgol sa iyak ang kanyang ina at ang kanyang ama naman ay umalalay upang ayusin ang kabaong. Nilapitan ni CJ ang kanyang ina para pakalmahin ito sa pag-iyak.
“Ma, huwag na kayong umiyak. Ano po ba ang nangyari?”, ang pagsubok ni Cj na pasiyahin ang kanyang ina.
Gayunman, kahit ang kanyang ina ay hindi siya pinapansin at tila hindi niya naririnig ang tinig ng kanyang anak. Kahit ang ama niya’y sinubukan niyang kausapin. Dahil din dito ay nagtanim ng pagtatampo si Cj sa kanyang mga magulang.
Nang maayos na ang kabaong sa dapat nitong kalagyan, binuksan na ito para makita na ang labi ng taong nasa loob nito. Kasabay nito ay lumapit ang mga magulang, malalapit na kaibigan, at kamag-anak ni Cj na narororon sa kanilang bahay. Ngunit sa panahong ito ay iniisip pa rin ni Cj kung sino ang nasa loob nito. Matapos lumapit ng kanyang mag-anak, siya ang kahulihulihang lalapit dito. Dahil sa nakabukas na ito, maaari ng makita ni Cj kung sino o ano ang laman nito. Sa kanyang gulat ay nakita niya ang sariling bangkay. Dahil sa ito’y hindi niya inaasahan, si Cj ay natulala. Sa harap ng kanyang mga labi ay napagtanto na niya kung bakit walang sinuman ang pumansin at kumausap sa kanya.
"Lola, paano po ba nangyari ito kay Cj?", ang malungkot na itinanong nina Glen kay Lola Paula.
"Kagabi kasi'y nagsasalita siya mag-isa. Ang naaalala ko ay may sinisigaw siyang may bata at isang babaeng nakaitim," kwento ni Lola Paula.
"Talaga po? Baka iyon yung batang ikinukwento niya sa atin noong mga nakaraang araw?" sabi ni Denella.
"Anong kwento iyon dalaga?", ang tanong ni Lola Paula.
"Isang gabi po, habang nag-aayos daw po siya ng gamit sa salas ay agad siyang nagligpit ng kanyang mga gamit dahil sa gabi na at may pasok pa siya kinabukasan. Madilim na raw po ang buong salas at siya na lamang ang tanging tao na naroroon. At habang siya raw po ay nagliligpit ng kanyang gamit ay napatingin siya sa hagdan. Nakarinig daw siya ng kaluskos mula sa hagdan. Napatingin siya dito at tila hinanap kung saan o sino ang naglikha ng kaluskos na ito. Agad-agad ay nagpatuloy na siya sa kanyang pagliligpit ng kagamitan at tila umano’y binalewala lamang ito.”
“Maya-maya’y isa na namang kaluskos ang bumulabog sa kanyang diwa at ngayon, napatingin daw siya sa bandang itaas ng hagdan. Nahagilap daw niya ang anino ng isang batang lalaki. Sinundan niya raw ito ng tingin, at napansing papalapit ng hagdan ang batang lalaki. Nagtago agad-agad si Cj sa ilalim ng mesa at inabangan ang bata na bumaba. Laking gulat ni Cj ng makita niya na paunti-unting bumababa ang batang lalaki. Nang matanaw na niya ito ng may kalinawan ay napansin niya na ang bata ay tila hindi na makilala ang itsura ng mukha dahil sa ito’y duguan. Ilang saglit raw ay lumabas siya sa kanyang pinagtataguan at sinabing “Hindi ako natatakot sayo! Bakit ka nariyan?” ngumiti raw lamang ang bata at dahan-dahan ng tuluyang bumaba ng hagdan. Napaatras si Cj ngunit nilabanan daw niya ang kanyang takot. Humarap siya sa batang ito at tinangkang hawakan ang bata ngunit bigla na lamang itong naglaho,” ang pagtatapos ng pagkukwento ni Allison kay Lola Paula.

"Kailan daw nangyari yan? Wala akong maalalang araw na sa salas siya nag- aral, dahil parati siyang nasa kanyang kwarto," ang pagtatakang sinabi ni Lola Paula.
Sa pagkakataong ito, hindi nagtagal ay pinagsisihan ni Cj ang paglikha ng ‘di makatotohanang kwento. Kanya ding napagtanto na ang kanyang nalikhang kwento ay naganap sa kanyang totoong pamumuhay. Hindi katagalan ay unti-unting natanggap ni Cj ang kanyang pagkamatay at tuluyan na ring naglaho ang kanyang kaluluwa sa lupa na para lamang sa mga tao.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento